Mahigit isang buwan na rin nang huli akong makasakay ng Jeep. Ikaw ba? Grabe, nakakamiss din pala ‘no? Dati buong akala ko, mami-miss ko lang ang mag-commute e pag nagkaroon na ko ng sariling sasakyan. Hindi pala.
Ang dami kong nami-miss sa pagbabyahe…
Nami-miss ko na si Manong Driver, na madalas akong suklian ng sobra. Kasi naman napagkakamalan ako’ng estudyante dahil sa hitsura at height ko. Alam kong masama na hindi ko ibinabalik ang sobra, pero masama rin ang manghusga ng kapwa base sa hitsura. Kaya sa palagay ko, quits lang kami. Hehe
Kamusta na kaya siya at mga kapwa niya driver? May iba pa kaya silang pinagkukunan ng pera sa panahon ngayon…sana meron. Sana nakakakain pa sila. Sana magkita pa ulit kami pagkatapos ng lahat na ‘to. Pangako, next time, ibabalik ko na ang sobrang sukli kahit mapagkamalan pa nila akong fetus.
Nami-miss ko na rin yung mga iba’t ibang klase ng pasaherong nakakasakay ko, gaya nina:
Emo– yung mga laging naka-earphone at nagso-sountrip sa byahe habang nilalasap ang humahampas na hangin sa mukha. Yung kung maka-emote ba e kala mo’y nasa Musci Video.
Metal– sila yung madalas mong makikitang naghe-head bang, either dahil kulang sa tulog or pagod sa trabaho.
Donya– ito yung mga nauna pang sumakay sa ‘yo pero hinintay ka pa talaga para lang pag-abutin ka ng bayad. (Ang nakakabwesit pa, di man lang marunong magpasalamat palibhasa puro alipores sa katawan. Tapos kung makautos pa e kala mo’y binili pati kaluluwa mo.)
Sidekicks– sila naman yung mga malas na napipilitang mag-sideline sa likod ni Manong Driver bilang taga-abot ng bayad. At mas malas dahil minsan sila na rin ang pinagkukwenta at pinagsusukli. Pero minsan swete rin kasi nakakalimutan nilang magbayad dahil sa pagkakawang-gawa.
Instant Jowa– sila yung mga antukin sa Jeep na bigla na lang sasandal sa balikat mo, na kahit di mo kilala e mapapagkamalan mong jowa sa sobrang close n’yo. Yung totoo, oks lang silang katabi lalo na kung type mo pero kung hindi, mag-abang ka na lang ng humps.
Pabebe– sila naman yung mga pasahero na kung makaupo e kala mo’y dalawang tao ang bayad. Kasi naman naka-sideview pa na parang model. Ang nakakabad-trip pa nito, wala silang pakialam kahit kuyukot mo na lang ang nakaupo sa jeep, ang mahalaga e hindi masira ang poise nila.
Old school–sila yung mga mahihilig magbasa ng libro sa Jeep. Palibhasa de keypad lang ang phone (gaya ko), kaya no choice kundi ito ang gawing libangan. (Sorry na kung isa ako rito pero promise masaya ring mabuhay ng simple at less gadgets).
Warrior– ito yung mga estudyanteng tahasang nagre-review sa masalimot na loob ng jeep. Palibhasa maraming gawain sa bahay (gaya ng maghugas ng plato, mag-facebook, twitter, instagram, youtube, youji–) at yung iba naman ay working students kaya no choice kundi sa jeep talaga mag-review.
Sadako– mga babaeng di alam kung para saan ang pamuyod. Sila yung mga handang magpakain ng buhok, lalo na kung di ka nagkapag-almusal sa umaga.
Water Bender– sila ang twin sister ni Sadako. Parehas sila ng ate nyang bano sa pamuyod. Ang pinagkaiba nga lang si Water Bender di pa nakakakita ng bath towel. Kaya malas mo pag napaupo ka sa likod nila, dahil panigurado para kang winater gun sa mukha. Pero oks lang, amoy Palmolive naman.
Super Marketer(SM)– ito yung mga magkakaibigang kung makatawa e malakas pa sa busina ng jeep. Sila rin yung mga OA magkwentuhan, na sa sobrang OA e tatangkain mo nang manulak palabas ng jeep. Tinawag ko silang SM dahil in tagalog…SOBRANG PALENGKERA!!! (In case nga pala na may makasakay kang ganito, pwede mo silang pasakan ng Tilapia sa ngala-ngala.)
Hanger- ito na naman yung mga lalaking trip laging sumabit sa pintuan ng jeep, kahit ikaw lang ang tao sa loob. May pagka-Ninja rin ang mga ito kasi hindi n’yo mamamalayan ng driver na nakababa na pala ito (lalo na pag wala silang pamasahe).
At ang huli, ang mga
Feeling PWD- sila naman yung laging nakaupo malapit sa pintuan. Ito ang trip nilang pwesto kahit alam nilang yun ay RESERVED SEAT FOR PWD!!! Nakakaasar sila minsan lalo na pag may mas nangangailangan ng pwesto nila gaya ng PWD, Senior Citizen at buntis tapos wala silang pakialam. Pero minsan iniintindi ko na lang din, baka kasi may disability sila…(sa pag-iisip halimbawa).
Bukod sa mga pasahero, nami-miss ko rin ang mismong atmosphere sa loob ng jeep. Nakaka-miss yung basag-tengang speaker ni Manong Driver. Nakaka-miss ang mga butas-butas na upuan. Nakaka-miss yung mga hawakan kahit may kulangot minsan. At nakaka-miss yung nakakahikang usok mula sa labas.
Pero para sakin, ang pinakanakaka-miss talaga e ang pagkakasiksikan ng mga pasahero. Tipong maamoy mo yung leeg ng magandang babae sa kaliwa…at yung amoy wasabeng kili-kili ng katabi mong matanda sa kanan. Grabe, nakaka-miss ang pagkakadikit-dikit natin, lalo na ngayon at mahigpit na ipinapapatupad ang social distancing. Dati galit na galit tayong lahat pag sinasabi ng dispatser na, “Lima pa po ang kasya” kahit ang totoo e limang monggo na lang talaga. Pero ngayon, hinahanap-hanap natin ang ganito, dahil alam natin na kung mae-experience ulit natin ‘to? Siguradong back to normal na ang lahat.
Grabe ‘no? Hindi natin in-expect na mami-miss natin ang mga simpleng bagay na dati e balewala lang sa ‘tin. Nakaka-miss mag-uli. Nakaka-miss ang street foods. Nakaka-miss si Jollibee, Mcdo at KFC. Nakaka-miss mag-sine. Nakaka-miss magtrabaho. At pinaka sa lahat ng pinakanakaka-miss…ang mag-inom. Kailan kaya ulit masasayaran ng alak ang atay at lalamunan ko?
Haysss…Sana matapos na ang krisis na ‘to. Sana makabalik na tayo sa normal nating buhay. At kung dumating na nga ang araw na yun, sana rin maging mas mabuti tayong tao sa muli nating paghaharap-harap.
Sige hanggang dito na lang, napahaba ang kwentuhan natin e. See you next time. Stay safe, ingat!
Manong para! Sa tabi lang po…
- GISING NA!!! - May 7, 2020
- PETENG “ctto” YAN! - May 1, 2020
- Tara! Commute tayo…(kahit sa guni-guni lang) - April 15, 2020