fbpx

Sa Pagitan ng Langit at Lupa


Sa Pagitan ng Langit at Lupa

 

Sisimulan ko ang tulang ito sa pagpikit

Pagpikit kasabay ng pagtingin sa langit

Langit na nagbibigay-buhay sa puso kong mapait

Mapait ngunit walang galit

Mapait dahil sa sakit

 

Sa aking pagtingin sa malawak at madilim na kalangitan

Akin na namang naalala ang ating nakaraan

Nakaraang hindi ko malimut-limutan

Kung paano mo ko ginabayan, pinagalitan, dinamayan, inalagaan

At kung paano mo ginawa ang lahat para sa aking kinabukasan

 

Naaalala mo pa ba?

Naaalala mo pa ba ang pinagsamahan nating dalawa na ngayo’y isa na lamang alaala?

Naalala mo pa ba na ikaw ang lagi kong kasama?

Sa unang iyak, unang ngiti, unang tawa, unang sipa, unang halakhak, unang palakpak, unang gapang, unang hakbang, unang tayo, unang dapa, unang sulat, unang basa

At sa lahat pa ng una ikaw ang aking kasama

Naalala ko pa noong ako’y magwala ng hindi mo ako binili ng manika

Naalala ko pa kung paano mo ako paghigpitan, pagalitan, pagbawalan, sabunutan

Oo! Ako’y iyong sinaktan pagka’t ang ulo ko’y may katigasan

Naalala ko pa kung pano tayo nagsigawan at ng dahil sa galit ay aking nasambit na “MAMATAY KA NA! DI NAMAN KITA KAILANGAN!”

Naalala ko pa kung pano mo ako sinuportahan

Na sa kabila ng lahat ng kasalanan, kataksilan, kasamaan, kahibangan at kagagahan

Ika’y nanatiling nariyan at di ako sinukuan

Naalala ko pa kung paano mo ko inasikaso nang mabalian ako

Naalala ko pa ang sakit na dulot ko sayo bilang anak mo

Naalala ko pa ang tamis ng halik mo sa tuwing papasok na ako

Naalala ko pa ang abot tengang ngiti mo sa tuwing aakyat tayo ng entablado para kuhanin ang medalya ko

Naalala ko pa ang paraan ng panggigising mo tuwing kaarawan ko

Ginigising mo ako sa pamamagitan nang masiglang pagkanta mo

Na kahit wala kang regalo sa mismong kapanganakan ko

Segu-segundo mo namang alay ang da best na regalo

Ang regalong di mapapantayan ng kahit na ano o ng kahit na sino

Regalong di ko pagsasawaang tanggapin mula sayo

Ang da best na regalo.

Ang pagmamahal mo

Ang pagmamahal mong walang kapantay rito sa mundo

Ang pagmamahal mo

Ang pagmamahal mong hindi ko alam kung nasuklian ko

Ang pagmamahal mo

Ang pagmamahal mong di ko alam kung napadama ko ba sayo nang ikaw pa’y naririto

Ang pagmamahal mo na ngayon ko lang napagtanto

Ngayon ko lang natanong ang sarili ko, naging karapat-dapat ba kong maging anak mo?

Gusto kong humiling!

Gusto kong galugarin ang buong daigdig, hanapin ang makapangyarihang balon at doon ay humiling

Gusto kong humiling!

Gusto kong lakbayin ang buong kalawakan upang makita ang mabilis na bituin nang sa kanya’y makahiling

Gusto kong humiling!

Gusto kong agawin ang lampara ni Aladin at agad iyong kaskasin upang sa genie’y makahiling

Gusto kong humiling!

Gusto kong akyatin ang hagdan patungong langit, hanapin ang ama at sa kanya’y humiling

Gusto kong humiling!

Akin lamang na hihilingin na sana…

Sana’y muli kitang makapiling

Gusto ko ng maulit ang nakaraang patuloy pa ring nangingibabaw

Gusto kong muling marinig ang lakas ng iyong mga sigaw

Gusto kong muling maramdaman ang iyong mga yakap na para bang sa aki’y may aagaw

Muling makita ang iyong mga ngiting nakakatunaw

Muling malasahan ang luto mong umaalingasaw

Muling maranasan ang maalagaan, magabayan at mahalin na para bang di ka papanaw

Ayoko na kasi na puro na lang ako tanaw

Na akala mo naman ay sisilip ka sa langit na para bang araw

Puro tanaw na lang sa kalangitan

Na tila ba naroon ang kasagutan

Kasagutan sa lungkot, sakit at pangungulila kong nararamdaman

Naramdaman mula ng ika’y lumisan at ako’y iyong iwanan.

Naalala ko pa ang higpit ng hawak ko sayong mga kamay

Kasabay ng pagluwag ng kapit mo at pagbitaw mo saking kamay

Naalala ko pa ang matatamis na ngiti mo

Kasabay ng unti-unting pagtabang nito dahil iiwan mo na pala ako

Naalala ko pa ang mga salitang binanggit mo na “Via, mahal kita anak ko.”

Kamustahin mo naman ako!

Tingnan mo naman kung ano ng nararamdaman ko!

Nalulungkot ako.

Nasasaktan ako at nangungulila na sa inyo.

Patawad. Huli ko ng napagtanto.

Patawad. Kailangan ko pala kayo!

Patawad. Nagsisisi na ko!

Patawad. Bumalik ka na sa tabi ko.

Sigawan mo ako! Pagalitan. Paghigpitan. Wala na kong pakealam sa sandamakmak na mga batas mo.

Basta bumalik ka lang, bumalik ka lang sa piling ko.

Pangako. Babawi ako.

 

Ako’y mananatiling nakapikit.

Nakapikit at humihiling sa langit

Na sana sa aking pagmulat, ang lahat ng ito’y panaginip

Mula sa lupa patungo sa langit

Ako ay hihiling at walang sawang pipikit

Pipikit at hihiling sa langit

Na sana lahat ng sakit ay panaginip.

Tatapusin ko na ang tulang ito

Sa pamamagitan ng pasasalamat at paghingi ng tawad sayo

Tatapusin ko ang tulang ito

Sa pamamagitan ng muling paghakbang at pagsabay sa lakad ng buhay ko

 

Tatapusin ko ang tulang ito

Sa pamamagitan ng isang pangangako sayo

Na malayo man ang agwat ng langit na kinabibilangan mo at ng lupang tinatapakan ko

Di ako magsasawang iparating ang pagmamahal ko sayo

Ang pagmamahal ko na kasinglaki ng agwat ng langit mo at ng lupa ko

Kaya sana’y narinig mo ang tula kong ito na para sayo.

Patawad. Salamat. Mahal na mahal kita, mama ko.

Via Mae Villanueva
Latest posts by Via Mae Villanueva (see all)

Via Mae Villanueva

A future educator who believes that each and everyone has their purpose to live. A strong-willed woman who aims to strengthen individuals' hearts by sharing her thoughts and writings. A passionate Christian who motivates and inspires people.