fbpx

Quarantined


“Quarantined”

Hilaga, Silangan.

Timog, Kanluran.

Apat na sulok ng aming tahanan

Kisame sa taas,

Sahig sa paanan.

Pinto sa kaliwa,

Bintana naman sa kanan

Oo at kabisado ko na

Wala nang bahaging di pa nabibisita 

Wala nang bahaging kailangang tuklasin pa

Lahat, ay nalibot ko na

Pangulong Duterte, pa’no ba ‘yan

yung private tour ko, wala na, finish na

Mula kwarto hanggang sa sala

Pati banyo, hanggang kusina

Pati maaaring gawin, 

Lahat, halos nagawa ko na

Ilang araw pa lang,

Sobrang boring na, 

Kaya naman heto at aking napagtanto

Ganito pala ang pakiramdam ng isang bilanggo?

Nakapiit sa kwadradong mundo

at inaalala ang mga sandaling

may laya pa ako…

Teka, teka, teka, teka!

Bakit nga ba parang ang drama?

Medyo OA pa sa tenga,

Eh para naman sa kapakanan ito ng lahat,

hindi ba?

Para mapigilan ang pagkalat ng virus,

Laman ng lansanga’y kailangan munang maubos

Sa kanya kanyang tahanan, ang bawat saglit ay ibuhos

Maaaring ang pamilya, minamahal, 

o ang sarili ay makilala pa ng lubos

Balik sa bahay, heto’t nakatengga

Nag-iisip ng mga bagay

mga gagawin, sa mga susunod na eksena

Kung kakain ba ko ulit, o kung maliligo na?

O Kung babangon na ba, 

mula sa walang katapusang pagkakahiga?

Ngunit nang ipinid itong aking diwa

Sa malalim na pagkahimlay aking inunawa

Hinukay ang malalim na balon ng gunita

at ang dalumat ng mga nakatagong hiwaga

Ang pag-iral ng lahat ay may dahilan

Mga pangyayari, lingid man o batid ng kaalaman

Bagamat minsan di natin lubos maunawaan

Isipa’y maging bukas, sa alinmang nais iparating 

ng Kataas-taasan

Lalo kong minahal ang mga mahal ko sa buhay

Mga kaibigan, kapatid, at mga kapwa

Lalo ko ring minahal yung kasabay 

kong nangako ng pang habambuhay

Sa bawat panalangin, silang lahat ay aking isinasama

na sana, dumating pa ang maraming pagkakataong 

masabi kong mahal na mahal ko sila

Igala ang paningin sa lahat ng dako, kaibigan

Wari ko’y pansin mo rin ang pagbabago sa iyong kapaligiran

Ang mundo ay pansamantalang nakatagpo ng kanyang kapahingahan

Ang mundo ay pansamantalang nakatagpo ng kanyang kapayapaan

Panandaliang nakamit

nang di pinaplano,

nang di inaasahan

Sa loob ng ilang araw na ika’y pinagbawalan

Na Lumabas ng bahay, gumala, magtrabaho o mag-aral man,

Maliban sa pagpapahinga, 

Sa Pagti-tiktok, facebook, at marami pang iba

Nasubukan mo na rin ba

na gumawa ng mga gawaing mas may

kabuluhan

tumuklas ng mga makabagong kaalaman

O linangin ang iyong natatanging kakayanan

at itaas ang lebel ng iyong talentong 

ikaw lang ang nakakaalam?

Kung hindi pa’y bakit di mo subukan?

Sapagkat itong nararanasan sa kasalukuyan 

ay medyo matatagalan

aabutin pa yata ng ilang buwan

kung mamalasin eh, taon pa, 

naku po, huwag naman. 

Seryoso,

Bakit di mo seryosohin ang panawagang ito

Wag kang mag-alala, lahat naman ay kontrolado

ng ating DIYOS

Lahat ay bahagi ng Kaniyang dakilang plano

ng dakilang manunubos

Lahat ay para rin sa ikabubuti mo

Tingnan mo nga, mas nagiging tahimik ang mundo

Polusyon ay nabawasan

Ang ingay, ang amoy, ang usok na iyong kinasusuklaman

Isama na rin natin ang minsang mabigat na trapik sa lansangan

Lahat ay nagsimulang pagtuunan ang kanilang kalusugan

Binawasan ang bisyo o anumang nakasisira sa kalusugan

Sinubukan na ring kumain ng mga biyaya sa hardin

Nag-ehersisyo, naglaklak ng bitamina, at masustansyang pagkain

Resistensya ay pinalakas, hindi binalewala, ang banta ng COVID-19

Bagamat nakakalungkot ang mga pangyayari, 

sa buong mundo, ang mga nagpositibo 

ay parami nang parami

Ngunit, huwag tayong matakot at mabalisa

makaka-survive tayo, tiyak may pag-asa

ipanalangin ang mga may sakit, 

ang mga frontliners, ang mga nagsasakripisyo

pati kapitbahay mong mabait

Sundin ang mga alintuntunin ng gobyerno

Dahil kung hindi, sige ka, baka sa huli

magsisi ka,

Maghugas ng kamay,

Araw-araw maligo,

Gumamit ng alcohol, pero wag i-hoard 

mga iha, mga iho

hindi lang kayo ang tao sa mundo

mga iha, mga iho.

Kung kinakailangang lumabas,

social distancing ay sundin,

body contact ay iwasan, wag munang papansin

Kapag natapos ang lahat ng ito,

lahat ng gusto mong gawin 

ay magagawa mo rin

Kaya habang tayong lahat ay naka quarantine,

Sabay-sabay tayong magnilay-nilay

at sa DIYOS, sabay tayong manalangin…

Karlo Magno Caracas
Latest posts by Karlo Magno Caracas (see all)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *