fbpx

Pangarap Niya Sa Ating Dalawa


Ikaw, na sa aki’y nakatakda…
Nasaan ka na ba?
Nagkasalubong na ba ang ating mga landas?
O hinihintay lang ang panahon na lumipas?
Na kung saa’y tuluyan nang mahihinog ang oras,
Upang pagdating ng “ikaw at ako” sa bisig ng isa’t isa’y ‘di na maka-aalpas.

Sa mga oras na ‘to…
Minsan ba’y sumagi sa iyong isipan,
Na ipanalangin ang tulad ko?
Marahil oo,
Siguro’y hindi.

Ngunit, dalangin ko,
Nawa’y ang relasyon kay Kristo muna ang palaguin mo.
Sa iyong puso,
Hindi ibang tao dapat ang nakaupo,
Kun’di si Kristo, si Kristo; kay Kristo lang.

Hindi ko man mahanap,
O masumpungan ka ngayon.
Naniniwala ako,
Na sa tamang pagkakataon,
Hindi ikaw o ako, ang kikilos…
Kun’di Siya, upang tayo’y magtagpo at magsama hanggang sa dulo.

Kapag ang oras ay nakatakda na,
At ikaw ay nariyan na,
Nawa’y huwag na tayong maghanap pa ng parehong wala sa ating dalawa.
Makuntento; ito ang hangad ng aking puso.

Ikaw ba?
Ano ba ang gusto mo?
Hindi ko pa alam pero…

Gustuhin mo nawang mas lumalim pa sa Kanya,
Dahil ako, dalangin ko…
Na sana sa oras na tayo’y pinagsama na,
Walang hanggang mga papuri at pagsamba ang ating sasambitin sa tuwina.
Hindi para sa ating dalawa,
Kun’di para sa kaluwalhatian Niya.

Nananabik na ako sa ating pagkikita.
Nananabik na ako sa sumpaang bubuuin nating dalawa.
Nananabik na akong hawakan ang iyong kamay.
Yapusin ka ng mga yakap.
Haplusin ang iyong mukha’t magkasamang tititig sa Kanyang mga likha’t gawa.

Kapag naganap na ang lahat ng ito…
Simula sa simula hanggang sa dulo…

Hawak-kamay nating aabutin,
Mga pangarap ng Diyos para sa atin.

Camille Tamondong
Latest posts by Camille Tamondong (see all)