Ilang araw at buwan,
Bago ko pa ito tuluyang umpisahan.
Ilang libong sakit, pait at pagbuhos ng luha na rin ang pinalampas,
Bago ko pa iangat ang aking panulat at sinimulang magsulat.
Isang araw, okay pa.
Ang mga sumunod ay parang naging kumplikado na.
Hindi ko alam kung paano pa mangangapa,
Pero isa lang ang alam ko,
Ang sulatan ka’t tapusin ang lahat ng kahibangan.
Ito ang huling tula na isusulat ko para sa iyo,
Na kung saan ititigil na rin ang imahinasyon na maglakbay sa kung saan saang parte ng mundo.
Nais kong malaman mo,
Na ang tulang ito ay huli na,
Huling huli na.
Minuto,
Oras,
Araw,
Buwan,
At taon na ang nagdaan simula nang humanga ako sa iyo.
Hindi ko na nga rin mabilang kung ilang tula at kwento na ang naisulat ko na ikaw ang tanging paksa.
Hindi ko na rin maalala ang lahat at bawat alaala na nabuo natin ng magkasama.
Hindi ko na maalala.
Ngunit, subalit, bagkus, datapuwa’t…
Naalala ko ang lahat ng kabutihang naidulot mo sa akin.
Sa kung paano ka kumilos,
Na wari’y isang Juanito Alfonso.
Sa kung gaano ka kaarte,
Na dinaig pa si Deib Lohr Enrile.
Sa kung paano ka rin mag alaga sa mga kapwa mo,
Na para bang si Lacey Enrile.
Ngunit nabatid kong,
Maaari ka ring maging si Cooper at Agatha,
Na sa huli ay paluluhain mo ang aking mga mata.
Hindi ka man nawala pero unti unti ka nang lumalayo,
At masakit makita ang pader na naitayo sa pagitan nating dalawa.
Paano ba ito maibabalik sa dati?
Para bang hindi na,
Dahil may sarili ka nga namang buhay at ang masaklap,
hindi ka sa mundo ko umiikot,
Dahil magkaiba tayo.
Humanga ako sa sarili ko,
Dahil akala ko patuloy akong mahuhulog sa iyo; yung mas malalim,
Pero akala ko lang pala iyon,
Dahil kahit pa nahulog na ako,
Ay nagawa ko pa ring umahon,
At bumalik sa totoong plano…
Ang hintayin ang nararapat na tao.
Hindi na ako umasa.
Hindi na ako nag asam.
Bakit?
Dahil hindi ito ang totoo.
Dahil hindi tayo pareho nang nadadama.
Masaya ako, pero nagtataka na ako kung ikaw pa rin ba ang dahilan nito,
Dahil kailan lang ay natabunan na ng kung anong aking nararamdaman ang pagkagusto ko sa iyo.
Totoo pala yung sinabi ng iba,
Na kahit gusto mo,
Dadating sa puntong, bigla ka na lang aayaw,
Hindi dahil sa hindi mo na gusto,
Kung hindi dahil ito ang nararapat na gawin.
Hindi ko kailanman lubos na makikilala ang taong para sa akin,
Ang taong totoong itinadhana sa akin,
Kung hindi kita titigilang gustuhin,
Lalo pa’t sa tingin ko’y hindi naman talaga ikaw ang tadyang na ginamit,
Mabuo lang ako.
Lalo pa’t hindi mo naman nararamdaman ang nararamdaman ko para sa iyo,
Dahil hindi mo ito kayang suklian.
Nangako na ako sa sarili ko,
Na tama na,
Na ito na talaga ang huli,
Dahil gusto ko na ring mamuhay muli ng wala nang inaalala pa,
Dahil ayaw ko na ring maisip pa…
Kung anong tingin mo sa akin,
Kung ano kayang pakialam mo sa mga ginagawa ko at kung anu ano pa.
Tama na,
Huli na.
Ito, ang huling tula na galing sa panulat,
Na punong puno ng tinta,
Ngunit ngayon ay naubusan na,
At muling maghihintay sa tamang panahon na ito’y muling mapunan.
- Pagdanak ng Huling Tinta - April 18, 2020
- Tagpo sa Kawalan - April 18, 2020
- Paalam - April 18, 2020