fbpx

My Angel


Sept. 09, 2003..

5:30am.. Shit!! Ang dilim pa.. Pero kailangang bumangon.. First day ko sa school ngayon..

Oo, transferee ako.. Galing akong Quezon City.. Pero pinatransfer ako ni Daddy dito sa Mindoro.. Sa probinsya niya.. Kailangan ko daw magtino.. Kailangang madisiplina.. And his only way to do that is for me to experience kung ano yung mga naranasan niya nung high school siya.. Dito kasi siya lumaki, dito nag-aral.. Dito din niya nakilala si Mommy..

Dito niya ko pinatira sa bahay ng tiyahin ko na pinsan niya.. Kasama yung dalawang anak niya.. Mga pinsan ko.. Isang lalake, isang babae..

Ang agreement, dito ako titira hanggang matapos ko yung high school..

Badtrip!!! As in badtrip talaga kasi nasa Manila yung mga tropa ko.. Mga kababata ko.. Pero sabi nila, naliligaw na daw ako ng landas..

Sa isang private school sa Quezon City ako nag first year.. Hindi na ko tinanggap nung second year kasi nagreklamo yung mga parents ng classmates ko.. Binubully ko daw.. Ewan ko dun sa mga lampang classmates ko na pinaglihi yata sa balat ng sibuyas. 

Masagi mo lang konte, umiiyak na.. 

Sa isang public school naman ako nagenroll ng second year.. Pero nakick out ako nung may sinapok akong estudyante.. Sinumpit niya kasi ako ng sago.. Tinamaan ako sa polo.. Nasa second floor siya nun.. Nasa baba ako.. Sabi niya sorry daw, hindi niya daw sadya.. Ok na sana e.. Kaso tumawa pa.. Ayun.. Inakyat ko.. Sakto kakapasok pa lang nung teacher nila after ng recess..

“Good morning po ma’am.. Pa-excuse naman po ako dun.. (habang tinuturo ko ung sumumpit saken..).. Ayun po o.. Yung may kulay yung buhok..” sabi ko dun sa teacher nila.. Nagtinginan lahat..

“Baket?” tanong nung teacher..

Actually, hindi ko din alam gagawin ko dun sa gagong yun.. Gusto ko lang takutin..

“Sinumpit niya po kasi ako ng sago kanina.. E tinawanan pa po ako..” sabi ko.. Tahimik na ung buong klase nila..

Pero itong kupal, imbes na manahimik na lang, bumanat pa ng; “para sago lang e.. Para ka namang bakla..”

Ayos di ba?? Orayt..

So after niyang sabihin yun, tinakbo ko na siya sa loob ng room nila.. Humarang yung mga classmates niya pero naitulak ko hanggang mahawakan ko si kupal.. Sinapak ko ng isa.. Nakita kong naduling siya.. Medio malakas din pala akong sumuntok.. Tas nahawakan na ko nung mga classmates niya.. Pero hindi ako bumitaw.. Nagawa ko pang hawakan siya sa buhok at ihampas yung mukha niya sa arm chair.. 

Ayun.. Hindi na natapos yung araw.. Pinauwi na ko.. Hindi daw ako makakabalik pag hindi ko kasama magulang ko..

Pumunta si Daddy sa school.. Nagusap kami sa guidance office kasama yung guidance councilor..

Then, pinalabas ako.. Naiwan si Daddy.. Alam kong bembang na naman ako nito.. Iniisip ko na kung anong ipapalusot ko.. Bahala na.. Sasabihin ko na lang na hindi ko na uulitin.. 

Paglabas nia.. Nakangiti siya.. Alam niyo yun?? Yung hindi niyo ine-expect na reaction niya.. Lalo tuloy akong kinabahan..

“Dad, sorry po.. Hindi na mauulit.. Ang angas kasi nun e.. (pertaining dun sa estudyanteng nasapok ko..)” sabi ko..

“It’s alright.. Hindi na talaga mauulit yun..” sabi niya..

“Anong sabi po dad?”

“Sakay ka na..” sabi niya..

Pinapasakay ako ng kotse..

“Dad.. May pasok po ako..” sabi ko.. Nakauniform pa kasi ako.. Ready talaga akong pumasok at magbagong buhay..

“I said get in the car!!!” sigaw niya..

Ok.. Biglang nagbago yung mukha niya.. Hindi pala ok.. So sumakay na ko..

“Dad, anu pong sabi?” tanong ko..

“Hindi mo na mauulit yung kagaguhan mo dito kasi kick out ka na.. Hindi ka na nila tinatanggap dito..” sagot niya..

“Dad, hindi po pwede yun.. First offense lang po yun.. Warning lang dapat..” depensa ko..

“Tanga.. Walang warning warning pag violence.. Binastos mo na nga yung teacher, binungi mo pa yung kaeskwela mo..” sabi niya..

Gusto kong umiyak, kaso kilala ko tong tatay ko.. Babatukan ako nito pag umiyak ako..

“Dad, sorry po.. Pano ako papasok?” tanong ko..

“Ako na bahala dun.. Mamaya, prepare mo na lahat ng gamit mo.. Sa Mindoro ka na mag-aaral.. Dun ka titira kay tiya Linda mo..” sagot niya.. Nakangiti..

“No dad.. Ayoko po.. Kahit next year na lang ulit ako mag-aral.. Basta ayoko po sa probinsya..” sabi ko..

“E kung palayasin na lang kita sa bahay..? Bahala ka na sa buhay mo..”

“Ok lang dad.. Kina lolo po ako titira..”

“Ay, ganito na lang.. Lulumpuhin kita.. Babaliin ko yang binti mo.. Para hindi ka na rin makalabas ng bahay.. Para habang naghihintay ka ng next school year, sa bahay ka lang.. Hindi kami mamomroblema ng mommy mo.. How does that sound?” sabi niya.. Brutal e no..

So ayun nga.. Wala akong nagawa.. Batas kasi si Daddy sa bahay.. Tuwang tuwa naman yung dalawang bruha kong kapatid.. Si Ate Shiela.. Tsaka yung bunso namen, si Jana.. Masaya sila na aalis na ko sa bahay.. Sarap pag untugin..

Si Mommy naman, walang nagawa.. Ayaw niya rin akong umalis kasi mamimiss niya daw yung pinakapogi niyang anak.. Malamang, ako lang naman ang anak niyang lalake.. Pero, hindi talaga pwedeng suwayin si daddy e.. Ayoko na ding lumaban kay daddy.. Kasi the last time na sinagot ko siya, naospital ako e.. Binugbog ako.. Mahal ko si daddy.. Nasasaktan lang naman nia ako pag sobra na yung ginagawa ko e.. Pag unacceptable na talaga.. Pero for me, ito na ung pinakamabigat na parusa niya para saken.. Yung papuntahin ako sa probinsya..

Basta papadalhan daw niya ko ng pera twice a month.. 1k daw kada padala.. P500 saken.. P500 kay tiya Linda.. Parang bayad daw sa pakain at pagpapatira saken.. So bale P500 ang budget ko for 2weeks na pasok.. Tae.. San aabot yun..? P80 baon ko sa Manila, kinakapos pa ko.. Pano pa tong P50? Pero sabi nung pinsan ko, sobrang laki na raw nun.. Kasi sila P20 lang ang baon araw-araw.. Kasi walking distance lang daw yung school.. Walking distance pero nasa gitna kami ng bukid.. So walking distance nga.. Mga 30minutes nga lang.. Tas sa gitna ng palayan ang daanan.. So maglalakad kami papunta ng school na nakayapak.. Unless gusto mong lumubog sa putik yung shoes mo, pwede kang magsapatos.. Tas dun na kami maghuhugas ng paa sa may poso na malapit sa school.. 

So ayun nga no.. Ang dami ko ng kinwento, hindi pa ko nakakaligo.. 

Inaya na ko nung pinsan ko.. Ligo na daw kame.. Oo, sabay kaming maliligo.. Dahil pupunta kami sa balon.. Dun kami maliligo.. May dala pa kaming gasera kasi medio madilim pa talaga.. Oo, gasera.. Kasi wala ding kuryente dito sa bahay ni tiya Linda.. Hindi pa abot ng kuryente tong lugar nila.. Which means, walang tv, walang computer, walang radyo,walang washing machine.. Walang de kuryente.. Kinginang parusa ni Daddy to saken..

So ayun, naglakad na kami ni Will papuntang balon.. Si Will, yung pinsan kong lalake.. Ka-edad ko.. Ganda ng name no.. Kala mo foreigner.. Nung una akala ko William, or Willfred yung name niya.. Hindi pala.. WILLIE pala.. Hehehe..

Mga 5minutes na lakaran din papuntang balon.. 

“Puta!!! Ang lamig!!! Dito kayo naliligo araw araw??” tanong ko kay Will.. 

“Oo.. Pero minsan sa irrigation pag malinis ung tubig..” sagot niya.. Sabay buhos ng tubig.. 

Bubuhos na din sana ako nung;

“Uuii.. Putangina Will..!!!” tas napaatras ako..

“Baket?!” tanong niya..

“May palaka dun sa timba ko..” sabi ko..

“Ang arte mo naman.. Nakikiligo lang yan e..” sabay dampot nia dun sa palaka tas tinapon..

Damn!!! Ganito pala magiging kapalaran ko hanggang matapos ko ang highschool..

Tinapon ko yung laman ng timba ko.. 

“O bakit mo tinapon??” tanong ni Will..

“E nilanguyan na nung palaka yun e.. Madumi na yun.. Baka magkakulugo ako..” sagot ko habang sumasalok ng panibagong tubig sa balon..

“Tanga mo.. E jan din galing sa balon yung palaka e..” sabi niya..

“Weh.. Seryoso?? E ayoko ng maligo.. Taragis na yan..” sabi ko..

Kaso binuhusan niya ko ng tubig..

“Ay gago..!!! Siraulo ka.. Ang lamig..” sabi ko..

“Hahahaha..” 

Nagbreakfast muna kami bago magbihis.. Pramis, sobrang kagulo yung hinain samen ni tiya Linda.. Milo tsaka balinghoy a.k.a kamoteng kahoy.. mabigat siya sa tiyan.. Nabusog naman ako pero feel ko kakabagin ako..

Buti na lang naplantsa na ni tiya Linda yung uniform ko kahapon kaya magbibihis na lang ako.. Pero ayoko ng kulay nung pantalon namen.. Khaki.. Buset.. ayoko nito.. Kulay tae.. sa Manila kasi, either black or navy blue ung pants namen..

“O ba’t nakasapatos ka na..??” tanong saken ni Will..

“Baket..?”

“Maglalakad muna tayo sa pilapil.. madudumihan lang yan..”

“Ay oo nga pala..” nasambit ko.. asar!!! Aapak ako sa putikan.. sa basang lupa.. hindi naman sa maarte ako no.. Batang kalye din ako.. kaso yung thought na sa putikan maglalakad, nakakabother.. Baka may bubog dun, masugatan pa paa ko.. o kaya baka tae ng baka ung maapakan ko.. tas maghuhugas lang sa poso.. pano na..?? De mamasa-masa pa paa ko tas memedyasan ko.. babaho yung paa ko..

“Wala bang sasakyan papuntang school..?” tanong ko..

“Meron naman.. kaso mas mapapalayo tayo.. tas mamamasahe pa.. subukan mo munang maglakad.. nakaka-enjoy..” sagot niya..

Habang naglalakad kame, nagmumuni-muni ako.. Sinisisi ko ang sarili ko dahil dun sa mga nangyari.. Kung hindi ko sana inupakan yung mokong na yun, dapat hindi ganito ang dinadanas ko ngayon..

“Si nanay ba nag-enroll sayo..?” tanong ni Will..

“Oo.. di ba nga, pagdating ko pa lang dito, pina-enroll agad ako ni nanay mo..?” sagot ko..

“Honga pala no.. Anu nga ulet section mo..?”

“II-Diamond daw..” sagot ko..

“Ahhh.. Malupet!! Star section ka pala..”

“Ikaw? Anu bang section mo..?”

“II-Ruby.. Ui, Jackpot ka dun.. Madaming magaganda dun.. Nandun si Hannah..”

“Sinong Hannah..?”

“Yun ung pinakamagandang second year.. Anak ng konsehala dito sa Pinamalayan..”

“Ahh.. sige, check naten yan..”

Nakarating din kame ng school around 6:30am..

“Dun yung room nio.. Ung nasa gitna.. yung may drawing na tao na walang salawal..” si Will.. Tinuturo yung room ng II-Diamond..

“Samahan mo muna ako.. wala akong kilala dun e..” sabi ko..

“E dito sa baba yung room ko e.. ayos lang yan.. panis sayo yang mga yan.. takot sa mga taga-maynila ang mga tao dito..” sagot niya..

“Sige na.. hanggang dumating lang yung teacher..” pakiusap ko pa din..

“Teka.. tara sama ka saken..” sabay akbay saken papuntang faculty.. saktong nakasalubong namen yung isang teacher..

“Ma’am Marayan.. Ito po si Crisostomo.. Pinsan ko po.. sa II-Diamond daw po siya..” sabi ni Will dun sa Teacher..

“Ay, oo.. Saken nga yan.. salamat Willie..” sabi nia..

Tas umalis na si Will..

“Halika.. Sasabay na kita sa mga classmates mo.. Pababa na yung mga yun.. 6:45 na e.. Ako si Mrs. Marayan.. Ako ang adviser ng II-Diamond..”

Ngumiti ako.. “Good morning po ma’am..”

“Ano nga ulet first name mo..? Jaber??”

“Jared po.. Jared Crisostomo..” sabi ko..

“Ahh.. Sorry.. Jared pala.. ang ganda ng name mo.. ay ayan na sila..” sabay turo nia dun sa mga kaklase ko daw..

“Dexter.. Prince.. samahan niyo muna ito si Jared.. isabay niyo na rin mamaya pag-akyat..” sabi ni Ma’am..

Ngumiti ako sa kanila.. mukang ok naman sila.. Si Dexter, matangkad, kamukha ni Gori sa Slamdunk.. Si Prince, mga ka-height ko, 5’6″.. kamukha ni Uzmie sa Slamdunk.. so technically, magkamukha sila.. hehe..

So ayun nga.. Flag ceremony.. Sinimulan sa prayer, tas Lupang Hinirang, tas Panatang Makabayan.. We’re being orchestrated by the CAT Officers..

Then umakyat na kame..

“Class, I’d like you to meet Jared.. Your new classmate.. Introduce your self Jared..” sabi ni Ma’am Marayan..

NYETA!! BA’T MAY GANITO PA..? PAKILALA PAKILALA PA..!!

“Hi guys! Im Jared Crisostomo.. Pleased to meet you all..” sabi ko.. tutungo-tungo pa ko, kunyari nahihiya..

“Ok, Jared.. Sit beside Anghela..” Sabay turo nia dun sa bakanteng upuan sa likod..

Habang tinatahak ko yung aisle papunta sa upuan ko, may biglang;

“Hi Jared..” sabi nung boses ng babae.. nilingon ko and nakita kong nakangiti yung magandang babae..

Yahaha.. ampogi ko talaga.. may fan na agad ako..

So ayun nga.. Naupo ako sa tabi nitong isang babaeng ‘to.. Tas start na ng klase.. Si Ma’am Marayan din pala yung teacher namen sa unang subject.. English..

Time and time again, may nakikita akong sumusulyap saken.. medio nahihiya tuloy ako.. Feel ko mukha akong artista.. Para saken, hindi naman ako kagwapuhan.. kaya naguguluhan ako sa mga tingin nila..

NGAYON LANG BA KAYO NAKAKITA NG MANILEÑO?!?!

Isa-isang tinatawag ung buong klase.. tas may pinapabasa si Ma’am.. Pag hindi nabasa, yung kasunod na estudyante yung babasa.. Ok naman sila.. nakakabasa naman.. Star section e, so medio may alam naman sila.. Pero nung si Prince na, nakupo.. “Antique” ung pinapabasa.. tumayo lang siya.. Pinagpawisan.. Sabay sabing; ANTIKYU.. yahaha.. nagtawanan yung buong klase.. I’m not sure kung alam talaga nila yung tamang basa dun, or nakisabay lang sila sa tawanan nung may mga alam.. Napahiya siya.. hindi naman sa pagmamayabang no.. pero alam ko basa dun..

Tas yung kasunod na nia yung babasa.. Si Dexter.. Tumayo siya.. parang kapre.. Pero feel ko kaya niang sagutin.. Confident e.. “ANTIKWEHH”.. sabi niya.. patay na.. sablay din.. tawanan din sila.. Hindi ako tumatawa.. kasi baka sabihin nila mayabang ako.. kabago-bago ko, nakiki-join na ko sa tawanan.. nabasa na din naman siya nung kasunod na bumasa.. Then nagtuluy-tuloy ulet yung reading.. tas nung mga apat na classmates ko na lang bago ako, medio nahirapan ung isang babae kong classmate pagbasa.. TRIUMPHANT.. ang tagal niang magsalita.. hindi nia nabasa.. natakot siguro.. then yung kasunod.. Lakas-loob si ate nio.. TRIYUMPANT.. this time, wala ng tumatawa.. siguro hindi din nila alam yung tamang pagbasa..

Tas yung katabi ko ng girl yung babasa.. pero nakita ko siyang medio pinagpapawisan.. I guess hindi niya alam.. Ginawa ko, dali-dali kong kinuha ung bolpen at notebook ko.. Sinulat ko.. TRAYEMFANT.. Then sinimple kong ipakita sa kania.. She stood up.. And binasa nia the way I spelled it..

“Very good!” sabi ni Ma’am..

“Salamat..” sabi ni Anghela.. tumingin siya saken.. Actually, may itsura ‘tong si Anghela.. ang chaka lang ng pangalan.. Pang-matanda..

Then ako na yung pinabasa.. ANEMONE.. basic ‘to.. although hindi ko sure kung anu talaga ibig sabihin nitong word na ‘to, sure ako na nadiscuss ‘to dati sa Sineskwela..

“Very good.. I guess we have a good english speaker with Mr. Crisostomo..” sabi ni Ma’am..

“Totoo ba..? Yun pa lang yung binasa ko, good english speaker na..?” bulong ko sa sarili ko..

The class continued.. After 45mins, natapos yung English class.. 

Sumunod naman yung PEHM.. (P.E., Health, Music..).. Lalake yung teacher.. Si Mr. Luarca.. Natyempo namang folk dance yung idi-discuss that day.. 

Ayun, medio shy guy na naman ako.. Kanina, nahihiya ako kasi bagong pasok pa lang ako.. Ngayon nahihiya ako kasi baka tawagin ako.. Anu namang malay ko sa pagsasayaw..? Folk dance pa.. So sulat-sulat ako kunyari nung mga pinagsasasabi niya.. Pinatayo kami, tas pinahanap ng kapartner.. Magpa-practice daw kami ng basic steps ng “Sayaw sa Bangko..”

Patay na.. Ayokong magmukhang tanga, pero sino namang aayain kong magsayaw..? wala pa naman ako halos kilala dito.. Lahat halos may kapartner na.. Tangina, si Prince tsaka si Dexter yung nagpartner.. muntanga yung dalawa..

“Ok, on the count of three..” sabi ni Mr. Luarca..

“1.. 2.. 3..” bilang niya..

Nagulat ako nang may malambot na kamay na humawak sa kamay ko.. Si Anghela.. Wala din pala siyang kapartner.. Ngumiti ako sa kania, pero tumungo lang siya.. Then tsaka ko lang nakita na hindi pala siya naka-shoes.. Naka-tsinelas lang siya.. Pero eto malupet, she has the most beautiful feet na nakita ko.. Maputi siya mula mukha hanggang paa. Parang hindi probinsyana.. Yung iba kasi maputi ung mukha, pero ung binti at paa, kulay brown na kabayo.. Alagang Mena lang.. Then, hindi ko maalis yung tingin ko sa paa niya.. Fetish ko kasi yung magagandang paa.. Lalo na pag malinis yung toenails.. For me kasi, pag malinis yung mga kuko mo sa paa, ibig sabihin maganda ang hygiene mo.. Malinis ka sa katawan.. Nakakainis lang, kasi ang ganda ng paa niya, pero naka-Spartan na tsinelas siya..

So ayun nga, nagsimula kaming sumayaw.. Ang ganda.. ang ganda ng sayaw ng klase.. Para kaming mga butete na nangingisay.. syempre hindi pa sabay-sabay.. kasi ngayon lang ‘to tinuro e.. May imaginary kaming bangko na tinutungtungan.. inaalalayan yung babae sa pagsampa.. So, almost all throughout the music, magkahawak-kamay ang magpapartner.. Until natapos yung sayaw..

“Hey, thank you..” sabi ko kay Anghela.. Ngumiti siya, then tumungo ulet..

Damn! Sobrang mahiyain nia.. Sayang.. Nagagandahan pa naman ako sa kania.. With her eyes na parang nangungusap.. Shoulder length hair.. Bagay yung bangs nia.. Parang si Hinata.. Yung sa Naruto.. 

Then came Social Studies.. Asian history.. Ok lang.. Hindi ako interesado sa subject na ‘to, pero may alam alam naman akong konte.. Nagpakilala din ako dun sa teacher namen.. I found out, medio advanced ng konte ung turo samen sa Manila compared here.. Mga 2 or 3 lessons..

Tas recess na.. Pucha, ang hirap i-survive nitong araw na’ to.. Gusto ko ng matapos ‘to at makauwi.. Kaso whole day e..

So ayun nga, nasa canteen ako.. Medio gutom na din ako, kaya naghahanap ako ng makakain.. Gusto ko ng burger tsaka fries.. Pero kagulo yung mga nakikita ko.. Banana cue, suman, maruya.. Asar!!! Bakit ganito mga pagkain dito..?

Lakad pa ko.. libot sa canteen.. Until finally nakakita ako ng burger.. horaayyyt.. dalawa agad binili ko kasi mukhang masarap e.. tas coke in can.. Bumalik ako sa classroom.. Ayoko pang tumambay sa labas.. pinagtitinginan ako nung mga estudyante e.. Yung iba masasama tingin.. ayokong mapa-away.. So dito ako sa room kakain..

Pagpasok ko, may isang babaeng nasa loob.. Nagtataka ako kasi lahat halos ng classmates ko, lumabas para magrecess.. Pero si ate girl, nandun sa likod, nagbabasa.. Then I realized, si Anghela pala..

So tumabi ako.. kasi magakatabi naman talaga kame..

“Hey, thanks ulet kanina..” sabi ko..

Ngumiti lang siya..

“Bakit hindi ka kumakain? Gusto mo?” inalok ko siya nung burger..

“Busog pa ko.. salamat..” sagot nia.. Shit! Ang lambing ng boses nia.. Pero damang-dama ko na hindi siya ineteresadong makipag-usap saken..

So kinain ko na lang yung burger ko.. Hmm.. ang bango.. unang kagat.. hmm.. alabeeettt.. Pero nung ninamnam ko ung patty, parang hindi beef.. kakaiba.. so tiningnan ko..

“Anu to?!” nasabi ko.. Hindi talaga siya beef patty.. kakaiba..

Tumingin saken si Anghela.. Mga matang nagtatanong..?

“Baket?” tanong nia..

“Uhmm.. kakaiba ‘tong burger na ‘to..” sabi ko..

“Baket? Anong kakaiba?”

“Parang hindi siya beef..”

“Ahh.. E hindi naman talaga beef yan e.. Puso ng saging yan e..” sabi nia..

“Ahh.. Now I know..” un na lang nasabi ko.. pero gusto kong magalit.. nalinlang ako.. Pero wala naman akong masisi.. bakit ba ako nageexpect ng beef burger sa halagang 8pesos..? Kinain ko na rin lang.. Ok siya.. Pramis.. Try nio.. Hehehe.. 

Then, nagbalikan na yung mga classmates namen.. Bawat pumapasok nakatingin samen.. Nakakaloko.. Pero napansin ko yung isang girl.. Yung nag-hi saken kanina.. Medio maganda nga siya.. Naka-pony tail.. Ang lakas ng arrive niya..

“Angel, anong name nun?” sabay turo ko kay girl..

“Ahh.. Hannah.. Hannah Reyes.. baket? Crush mo..?” tanong niya.. nakangiti siya..

“Hindi no.. nag-hi lang siya saken kanina..” sabi ko.. Then bumalik na ulet si Anghela sa pagbababasa..

Tas dumating na yung Filipino teacher namen.. Nagpakilala ulet ako.. Nakakasawa ‘tong ganitong setup.. kada pasok ng teacher, magpapakilala ako..

Tas Values Education.. tangina..!!! Kailangan daw magperform ako ng kahit anong talent.. lahat daw sila nagperform na.. Shit talaga.. Wala naman akong talent.. Dota lang ang alam ko..

“Let’s give a round of applause for Jared Crisostomo..” sabi nung babaeng teacher.. Nagpalakpakan nga lahat..

“Tae.. mapapadrop ako ng wala sa oras neto..” bulong ko sa sarili ko..

“Ma’am, sorry po.. wala po akong talent..” pag-amin ko..

“Of course you do.. Come on.. we’re waiting..” sabi nung teacher..

Pinagpawisan na ko.. Nakakahiya.. Hindi ko talaga alam gagawin ko..

“Ma’am, sorry po talaga.. Pwede po bang bukas na lang..? Magpe-prepare po muna ako..” sabi ko..

“Ok.. We’ll be expecting that tommorow then?” sabi ni Ma’am.. 

“Opo.. Pasensya na po..” sabi ko.. 

Lunch break.. 

Buti pinuntahan ako ni Will.. Lumabas lang ako ng room para bumili ng softdrinks sa canteen.. Then bumalik din ako sa room.. Si Anghela na naman ang naiwan.. Hindi siya lumabas.. Ok ‘to.. At least may kasama ako..

“Hey.. Nagbabaon ka din pala..?” bati ko sa kania.. 

Ngumiti siya, “kain..” sabi nia.. 

Nakita ko ung kinakain nia.. Kanin at itlog.. Pero hinahanap ko ung baunan nia.. Wala.. Ung kanin, nakalagay sa plastic.. Dun na din nakapatong ung itlog.. 

And for some reason, umiral ung katangahan ko..

“Wala kang baunan?” tanong ko.. 

Tumingin lang siya saken.. 

“Anong kabobohan un Jared?? Kita mo na ngang wala di ba?? Kailangan mo pang itanong?? E anu naman kung malaman mo kung meron o wala siyang baunan??” sermon ko sa sarili ko.. 

Umupo na din lang ako sa tabi nia..

I took my lunch box out.. Kanin tsaka tocino.. Tas may mixed veggies pa.. Buti masipag din magluto ung tiyahin ko.. 

“Gusto mo?? Kuha ka..” alok ko sa kania.. 

“Thank you.. Patapos na din ako..” sabi nia.. 

Then ayun, natapos nga siya nung halos nagsisimula pa lang akong kumain..

Then, tumayo siya.. Tas lumipat ng ibang seat.. Medio malayo saken.. Nagbasa.. Mukang wala nga siyang interes saken.. Medio napahiya ako sa sarili ko.. 

“Ang galing.. Hindi siya uminom ng tubig..” isip isip ko.. 

Patapos na kong kumain nung dumating si Dexter tsaka si Prince.. Mukhang magbestfriend ung dalawa.. 

“Oi, idol.. Mag-isa ka jan..” sabi ni Prince.. 

“Oi, pre.. Kain..” sabi ko.. 

“Tapos na.. Jan kami kumakain sa labas.. Masarap mga ulam jan..” 

“Sige, sama ako bukas..” sabi ko.. 

Tas ayun, nagbalikan na ung mga classmates ko.. 

Tahimik lang akong naka-upo,nung biglang lumapit saken si Hannah.. Nakangiti.. 

“Hi! I’m Hannah..” reaching her hand out.. 

Natulala ako.. Ang ganda nia.. Mga tipong popormahan ko kung nasa Manila pa ko.. 

Inabot ko ung kamay ko and damn..! Sobrang lambot ng kamay nia.. Yung itsura nia, hindi na pang high school.. Mga typical college girl na ung datingan nia.. 

After ng handshake namen, biglang napigtas ung charm bracelet nia.. Pinulot ko and i tried to put it back on to her.. Sabay-sabay nag; “Uuuuuuuuuiiiiiiiiiii..” ung mga classmates namen.. Medio nailang ako dun.. Feeling pogi ako.. 

Kaso hindi ko naibalik.. Kasi naputol talaga ung wire.. We’re on that position, tinatry ko pa ring ibalik sa braso nia ung bracelet, nung biglang dumating yung teacher namen.. Mathematics.. 

“Later na lang..” sabi ni Hannah.. Sabay balik nia sa upuan nia.. 

Umupo na din ako.. And just like dun sa mga nauna, i was asked to formally introduce myself dun sa teacher.. 

Tas pinakuha kami ng 1/4 na papel.. Oo, pareho din lang ng mga estudyante sa Manila.. Kakasabi lang ng teacher na 1/4, may nagtanong agad, “Ma’am 1/4??”..

Short quiz agad.. Mukhang masungit ‘tong teacher na ‘to.. Nagsulat-sulat siya sa board.. May pinapahanap sa equation.. 

“Tangina talaga.. Bakit quiz agad, e unang araw ko pa lang sa klase..?” pagmumura ko sa isip ko.. Pero naisip ko, din kahit hindi ko first day, bobo talaga ako sa algebra.. Oo, panlaban ako sa math olympiad nung elementary ako.. Grade 1 hanggang grade 4.. Kasi totoong mga numbers pa yun.. Pero nung naki-alam na ung mga letters letters, tas mga what is “x”, what is the value of “x”, find “x, y, and n”.. Animal!!! Naging sobrang bobo ko na sa Math.. 

Tas ngayon, mga “Polynomial Function”.. Sabi nila, basic algebra daw ‘to.. Kaso nung nasa Manila pa ko, wala talagang pumapasok sa isip ko e.. Anu ba kasing silbi ng pag gawa ng linya, tas gugihitan mo, tas lalagyan mo ng mga number tsaka letter letter..? 

So ayun nga.. Find the linear and quadratic eme eme daw.. Two questions lang, pero kailangan may formula.. Pano ako gagawa ng formula kung hindi ko naman naiiintindihan yung tanong? 

“You have 10minutes..” sabi nung prof.. 

“10minutes.. Kahit 10days ibigay saken, hindi ko masosolve ‘to e..” bulong ko sa sarili ko.. 

Pinagpapawisan na ko.. Ang ganda nung papel ko.. Ang linis.. Pangalan ko lang ung nakalagay, medio hindi pa maintindihan kasi parang kinahig ng manok ung penmanship ko.. 

Then, napansin ko na binaba ni Anghela ung papel nia.. Pinapakopya ako.. And i learned na hindi pala Anghela ung spelling ng name nia.. It’s Angela.. Angela Gonzales.. Anghela lang ung bigkas nila, bilang super tagalog ang dialect dito.. 

Nakatingin ako sa papel nia.. Ang ganda niang magsulat.. Pramis.. Sasambahin nio ung sulat nia.. Pero sa kabila ng kagandahan ng sulat nia, ay ang kalituhan ko sa mga nakasulat sa papel nia.. Magkakahalong numbers at letters.. May negative negative pa.. 

“5minutes!” sabi ni ma’am.. 

Actually, kaya kong tapusin ung pagkopya within 5minutes.. But i said to her; “No, its ok.. Thanks..” 

I saw the confused looks in her eyes.. 

“Pass your papers forward and exchange it to the other row..” sabi ni ma’am.. 

Lalo akong pinagpawisan.. Iniisip ko, wag na lang ipasa kasi nakakahiya talaga.. Pero im sure, hahanapin nung teacher ko ung papel ko, since bagong salta ako.. Malamang gusto niang malaman kung anong kartada ng mga Manilenyo pag dating sa Math..

Bahala na.. Pinasa ko pa din.. 

“Bakit hindi ka kumopya?” tanong ni Angela.. 

“Hindi ko din naman kasi alam e.. Baka ipa-explain saken.. Mapapahiya lang ako.. Madadamay ka pa..” sagot ko.. 

Then nagcheck na nga kami.. Nakakainggit, lahat sila may sagot.. Gusto ko ng mag evaporate.. Hindi ko inexpect na mapapahiya ako sa unang araw ko dito.. Magiging sobrang bobo ng tingin nila saken.. 

Pero yung chineckan ko, zero.. Mali mali ung sagot.. Nag-imbento din lang yata ‘to e.. Masabi lang may sagot.. Yahahaha.. Pota.. Dapat ganito na din lang ang ginawa ko.. 

Pag tama ung dalawang sagot, 100%, pag isa, 50%, pag wala, edi zero.. 

“Ok class.. State the name on the paper you checked and give me the score.. Let’s start from the back..”

Si Angela ung unang nagsalita.. 

“Verdadero, 50..” sabi nia.. 

“Maglaway, 0..” sabi ko.. 

Tas ayun na.. Isa isa na sila.. Karamihan 50% ung nakuha.. Tas may dalawa or tatlong zero.. 

“Gonzales, 100..” sabi nung isang nagcheck sa papel ni Angela.. Wow!! Siya pa lang ang nakaka 100%.. Ang galing.. Nagpalakpakan lahat.. 

“Crisostomo..” ayun.. Narinig ko na ung pangalan ko.. Parang bumagal ang takbo ng oras.. Slow motion.. Ito na ung kinakatakutan ko.. Nakakahiya.. Oo, zero ako.. Zero din ung iba.. Pero ako wala, as in wala talagang sagot.. 

“Crisostomo, 100..” sabi ni Hannah.. Siya pala yung nagcheck.. Palakpakan na naman.. 

“Anyarehhh?? Pano nangyari un??” sigaw ng isip ko.. Nagkatinginan kami ni Angela.. 

Ngumiti siya.. “Hala.. Sinagutan niya yun.. Crush ka nun ni Hannah..” sabi nia..

“Naku, pano pag pina-explain saken..?” sabi ko.. 

Tsaka naisip ko, siya nga e, si Hannah, 50% lang.. Pano ako naging 100%?

Ngumiti lang ulet siya.. Pero eto ha, habang tinitigan ko si Angela, parang lalo siyang gumaganda.. Ang simple nia kasi.. Nakalugay lang ung buhok nia.. Tas makinis yung kutis.. Maputi siya, oo, pero hindi naman yung parang albino na ung datingan.. 

“I trust na hindi kayo nagkopyahan ni Angela.. Mister.. What’s your first name..?” tanong nung teacher.. 

“Jared.. Jared po.. And no, hindi po kami nagkopyahan..” sabi ko.. Tas nagpalakpakan na naman.. 

“Idol namen yan..!!!” magkasabay na sigaw nina Prince at Dexter.. 

Buti na lang, hindi na pina-discuss nung teacher namen kung pano namin sinagutan yung mga questions.. Binalik na samen yung mga papel.. Lumapit saken si Hannah..

“You owe me one..” sabi nia..

YOU OWE ME ONE?? MAPAPAHAMAK AKO SA GINAWA MO E!!!!

“Thanks.. I owe you one..” sagot ko..

Tiningnan ko yung papel ko, wala siyang sinulat.. malinis pa din.. Aha! Dinaya niya yung score ko..

Nag-proceed na kami sa discussion.. Pinipilit kong magfocus.. Pero wala.. Parang nagtatalunan lang yung mga numbers tsaka letters.. Time and time again, nagtatanong yung teacher.. Buti hindi ako tinatawag.. and napapansin ko, konti lang yung nakakasagot.. Pero si Angela, alam nia lahat ng sagot.. Hindi lang siya nagtataas ng kamay..

Natapos din ang Math.. ayos.. Then pumasok yung teacher sa Biology.. Medio delayed din ang turo dito ng konte.. Yung mga dinidiscuss nia,natackle na namen before.. Or perhaps, nauna lang nadiscuss ‘to samen dati.. And may nauna silang diniscuss na siguro ngayon pa lang dinidiscuss sa mga high schools sa Manila..

T.H.E. ung last subject namen.. Technology and Home Economics.. Isa pang boring na subject.. Pero unlike sa Manila na ang dinidiscuss namen before ako matransfer is yung pagdo-drawing ng mga turnilyo, ng mga planes.. yung mga ganun, mga pang engineer.. Dito, ang lesson is about sa pagpapatubo ng kabute.. Amazing.. Pinapunta ako dito ni Daddy para matutong magpatubo ng kabute..

Natapos din ang klase.. Ayos.. Kinausap pa kami ng konte nung adviser namen, si Ma’am Marayan.. Then, in-assign nia ko kung anong day ako magki-cleaners.. Hwebes..

“Idol tara na..” aya saken ni Dexter..

“Ah sige una na kayo pre.. Sabay kami nung pinsan ko pag-uwi..” sagot ko..

“Hinde.. Flag retreat pa pre..” sabi nia..

“ah ok.. cge..” sabi ko.. sumabay na din ako.. para may kasama ako.. Ganito pala sa probinsya.. araw-araw ang flag ceremony at flag retreat.. Sa Manila kasi, Lunes ng umaga ung Flag Ceremony, Byernes ng hapon ung Flag retreat..

Nagkita kami ni Will sa labasan.. Pauwi na kame.. Pagdating dun sa may poso, nagtanggal kami ng sapatos.. Kasi dadaan ulit kami sa putikan.. Sa wakas.. Natapos din ang mahabang araw na ‘to..

Nidas Mascariñas
Latest posts by Nidas Mascariñas (see all)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *