Korona o Corona?
May isang korona noon na gusto kong makamtan
Naggagandahang kandidata, siya’y pinag-aagawan
Ngunit anong nangyari’t tila wala nang naglalaban?
Dating hinahangaan, ngayon ay iniiwasan.
Ito ang Corona Virus na nagmula sa bansang China
Na siyang nagdulot ng kaba at takot sa madla
Pagkabahala ng bawat isa ay hindi na nga mawala
Sapagkat nangangamba, na baka ito ay katapusan na.
Isinara ang pinto ng bawat bahay sa bayan
Sinimulang ikulong ang bawat mamamayan
Tumataas na ang bilang at di pa gaano malabanan
Sapagkat wala pa ring lunas sa di nakikitang kalaban.
Tama ka, mahirap at masakit ang ating pinagdadaanan
Ngunit bakit hindi mo na lang tingnan sa magandang paraan?
Palawakin ang pang-unawa at tigilan na ang sisihan
Iparamdam ang pagmamahal at pairalin ang kabutihan.
Naisip mo bang hindi lang hirap at pighati ang dala nya?
Marami siyang tinawag na nakalimot at pinaluhod sa Diyos Ama
Binuo ang pamilyang sa hapag ay minsan lang kung magkasama
Pinatigil mo rin ang mga bisyong kinaadikan na ng bawat isa.
Nakakabilib ang mga taong sinusuong ang kapahamakan
Ang mga bayaning sinasakripisyo ang sariling kalusugan
Pilit na sinasalba at iningatan ang buhay ng karamihan
Kahit na ang kapalit pa nito ay sarili nilang kaligtasan.
Ano kayang kaya mong gawin para sila’y masuklian?
Anong pwede mong gawin para buhay nila’y maingatan?
Anong maaari mong gawin para loob nila’y mapagaan?
Sandali, iniisip mo kaya ang kanilang kapakanan?
Kumilos ka na, sa simpleng paraan ay makakatulong ka
Magiging parte ka ng lunas na inaasam ng bawat bansa
Intindihin na krisis ang kalaban at hindi ang iyong kapwa
Tigilan na ang pag-iingay, lumuhod at magdasal ka.
Hindi man natin ngayon mayakap ang isa’t-isa
Niyayakap naman ng Ama ang iyong kaluluwa
Pakiusap, lumaban ka hanggat humihinga ka
Lakasan ang pananampalataya, maniwala ka sa Kanya.
Hindi ko man nakamit ang hinahangad ko noon na korona
Na siyang ipapatong lang sa ulo para matawag na maganda
Naranasan ko naman ang bagsik ng virus na Corona
Na siyang nagmulat ng aking mata at naging sanhi ng pagkakaisa.
- Sa Pagitan ng Langit at Lupa - April 15, 2020
- Light in Darkness - April 13, 2020
- Bow without an Arrow - April 13, 2020