Kaliwa’t! kanan! Kaliwa!
Ako’y anak ng isang mandirigma,
Tagapagligtas ng bayan,
at taga-tugis ng tulisan.
Madalang kung umuwi si Itay,
Dahil ang sabi ni Inay,
siya raw ay nasa kalagitnaan ng bakbakan.
Hangang-hanga ako sa katapangan at kahusayan ni Itay.
Sa paglipas ng mga taon patuloy pa rin si itay sa pakikipagdigmaan.
Dahil ang sabi ni Inay,
Dumadari daw ang mga tulisan.
Kaya kailangan naming maghintay sa pagbabalik ni Itay.
Labis ang aking kagalakan nang makapiling namin muli si Itay,
ngunit panandalian lamang pala ang kanyang pamamalagi ,
dahil kailangan niya muling umalis upang makipaglaban sa mga tulisan.
Ang aking pansamantalang pananabik ay napalitan ng pighati.
Kinuha ang kanyang mga damit,
Lulan ng aming itim na sasakyan at saka humarurot paalis.
Pilit siyang pinipigilan ng aking Inay,
subalit hindi nagpapigil si Itay.
Sa aking musmos na kaisipan ay lalong dumarami ang tulisan,
Kaya kailangan ng aking Itay na umalis ng tuluyan.
Wala akong magagawa sa nangyayaring kaguluhan sa aming tahanan,
dahil kailangan gampanan ni Itay ang tungkulin na kanyang sinumpaan.
Walang araw ang lumilipas,
na hindi ko nakikitang lumuluha si Inay.
Wari sa kanyang mukha ang pangungulila,
Nag-aalala siguro siya sa kalagayan ni Itay.
Ako’y labis na nalulumbay sa kalagayan ng aming bahay,
kulang si tatay sa mga selebrasyon na dumadaan sa aming buhay.
Kailangan kong tatagan ang aking kalooban habang si Itay ay nasa digmaan,
dahil si Inay ay labis pa ring nagdadalamhati sa kanyang paglisan.
Sa pagdaan ng mga araw tila ba’y nabubuhayan si Inay,
maayos na ang kanyang kalagayan .
nasa mabuting kalagayan na siguro ang aking itay?
Mga luha na dumadaloy sa kanyang mukha’y unti-unting pinawi ng aking palad.
Sa pag-usad ng aming buhay ay araw-araw na ipinagdadasal si itay,
dasal ko na hindi yata narinig ng kalangitan.
Nakakabiglang balita ang umabot sa aming tirahan,
sambit ng aking Inay mga salitang di ko mapaniwalaan.
Aking Itay ay hindi na daw babalik sa aming tahanan,
binawian ng buhay sa gitna ng digmaan.
Labis ang aking pangamba sa magiging kalagayan na naman ni inay,
mababalot na naman siya ng higit na kapanglawan.
Gayun pa man sa gitna ng kapighatian,
ako’y nagagalak ako sa kagitingan ni Itay.
Siya’y isang bayani na isinugal ang buhay.
Dakila nga siyang tunay sa kabila ng nangyari sa aming bahay.
Umasa ako na siya’y mabibigyan ng mataas na pagkilala dahl sa kanyang kabayanihan,
Ngunit umuwi si Itay na isa nang malamig na bangkay.
wala man lang medalya at watawat na nakapatong sa ibabaw ng kanyang kabaong,
Ano nga bang nangyari sa aking Itay?
Ang mas nakapagtataka pa ay may dalawang bata sa aming tahanan,
di ako mapalagay kung bakit kasama nilang dumating si Itay.
Narinig kong sabi ng mga kapwa sundalo ni Itay,
Ay nadamay ang kanilang ina sa barilan, kaya ito’y namatay.
Umiiyak ang dalawang bata sa harap ng bangkay ni Itay,
sinasambit ang salitang Tatay.
Anak sila ni itay ngunit hindi ko nakitang ipinagbuntis sila ni Inay?
Paanong nangyaring kapatid ko ang dalawang paslit?
Ngayon ako’y naliwanagan, hindi namatay si Itay sa digmaan.
Hindi rin dumarami ang tulisan.
Dakila nga talaga siyang tunay!
Mahusay sa pakikipagdigma!
Magiting na sundalo ang aking itay,
nagawa niyang lumusong sa dalawang ilog at gumapang sa gitna ng dalawang bundok!
Kaliwa’t, kanan, kaliwa! ang tatay kong nangaliwa!
Sumulong sa digmaan habang may ibang inuuwian!
Kailangan kong maging matapang,
dahil kami ay naipit sa kalagitnaan.
Kami ay dehado sa bakbakan!
Dahil si Inay, ay pinabayaan si Itay na tumugis ng tulisan.
- KALIWA’T KANAN - April 17, 2020
- Huling Indak - April 17, 2020
- Love, Shelly - April 17, 2020