Madaling araw na, pero gising pa rin ang diwa ko. Kay lamig ng simoy ng hangin. Ganitong ganito ang pakiramdam tuwing malapit na sumapit ang pasko, ngunit ikatlong buwan pa lamang mula nang sumapit ang taong ito. Malayo pa ang pasko. Nagpasiya akong maupo sa tabi at makinig na lamang ng musika kaya’t kinuha ko sa aking bulsa ang aking talinig at inilagay ito sa aking tainga. Isinaksak ko ito sa aking telepono at sabay tipa sa pangalan ng bagong banda na aking natitipuhan. Nakita ko ang isang titulo ng kanilang kanta na nagpakuryoso sa akin. Pinakinggan ko ito at ako’y napangiti. Tumingala ako’t napapikit habang dinarama ang masarap na hanging dala ng madaling araw na sumasaliw sa musikang pumupuno sa aking mga tainga. Maya maya pa ay naramdaman ko na mayroong tumabi sa akin at akin itong nilingon. Isa pala itong matipunong lalaki at may dala itong supot na tila mainit-init pa ang nilalaman dahil sa paglabas ng kakaunting usok mula rito. Napalingon ito sa akin at ngumiti. Iniabot niya sa akin ang nilalaman ng supot na kanyang tangan.
“Ang sabi nila,
Bilhan mo na siya ng bibingka
Dahil ikaw na ang aking tadhana..”
Malinaw kong narinig ang mga linyang ito sa kantang aking pinakikinggan habang ako’y napatulala sa kaniya. Hindi kumupas kahit isang segundo ang ngiti sa kanyang mga labi, bagkus ay lumaki pa ito nang mapansin niyang ako’y masyadong nagulat sa mga pangyayari. Kinuha niya ang aking kamay at inilagay ang hawak niya roon.
“Bibingka kasi dapat, hindi Puto Bumbong,” ang mga unang salita na namutawi sa kanyang mga labi. Ako’y napa-iling na lamang.
“Kung ganoon, ikaw na ba ang aking tadhana?” nawiwili kong tugon sa estranghero. Sinuklian niya ako ng isang misteryosong ngiti at sabay kaming napatawa.
- Kakanin - April 22, 2020
- A Remarkable Journey - April 10, 2020
- To Humanity- Calm Amidst The Chaos - April 9, 2020