✍️ Marcie
“Ayoko na ng ganito”
“Itigil na natin ‘to”
“Maghiwalay nalang tayo”
‘Yan ‘yung mga salitang binibitawan mo sa tuwing magagalit ka o magtatalo tayo,
Mga salitang hindi lingid sa kaalaman mo na unti-unting gumuguhit sa puso ko,
At ang mga mumunting guhit na yun ang naging sanhi ng pagkadurog nito.
Pero kahit ganun, nanatili parin ako.
Nanatili ako sa loob ng mahigit dalawang taon, kasi mahal kita.
At yung pagmamahal na yun ang naging sandalan ko sa tuwing makakaramdam ako ng pagkahina.
Kaya kahit pinagtatabuyan mo man ako papalayo sayo, di ako mapapagod na unawain ka.
Kasi uulitin ko, mahal kita.
Sa sobrang pagmamahal ko nga sayo, nakalimutan ko na yung AKO.
Nakalimutan ko na yung ako, kasi palagi kong inuuna yung mga bagay na para sayo.
Pero ayos lang, kasi sa tuwing makikita kitang masaya sa mga ginagawa ko napapasaya mo narin ako.
Kahit nahihirapan na akong pagsabayin ang mga bagay-bagay, okay lang, iniisip ko kasi para satin din naman to.
At alam mo bang palagi kang kasama sa mga ginagawa kong desisyon?
Oo, palagi kitang sinasama sa lahat. Bago ako umoo’t humindi sa isang bagay, iniisip ko muna kung gusto mo ba yun?
Okay ba sayo yun?
Ano bang magiging reaksyon mo dun?
Hanggang sa isang araw, nagising nalang ako na gumagawa nako ng mga hakbang na hindi ka na kasama.
Bigla akong nakaramdam ng pagod na kahit yung pagmamahal ko sayo ay unti-unti nang bumibigay at hindi ko na magawang sandalan pa.
Yung dating mahigpit na pagkakahawak sa’yong mga kamay ay unti-unting kumakalas na.
Para akong namanhid na kahit yung init ng yakap natin noon ay hindi ko na madama.
Biglang bumalik lahat ng alaala sa kung paano kita nakilala,
hanggang sa yung dating pangarap ko ay naging pangarap na nating dalawa.
Gusto kong lumaban pa,
Gusto kong manatili pa,
Gusto kong subukan pa,
Gusto kong mahalin ka pa,
Kaso hindi ko alam kung tama pa ba?
Masyado nang magulo ang lahat sa atin,
Hindi ko na alam kung kakayanin pa ba natin,
Kahit yata hilingin sa mga bituin ito’y alanganin,
Kaya napagdesisyunan ko nalang na wag ng pilitin.
Siguro nga ito ang nakatadhana,
Baka nga hindi tayo ang para sa isa’t isa,
Baka nga ikaw yung paksa sa aking mga tula,
Na sa iba nakalaang tumugma.
- “WALANG PAMAGAT” - August 27, 2020
- “Hindi Tugma” - April 20, 2020
- “Kasal” - April 17, 2020