fbpx

Gasinulid na Pintig ng Puso


Wag kang manghinayang

Sa panahon na inilaan mo para sa kanya

Pagkat ginusto ka naman talaga nya

Nakita ko ang inyong larawan

Nakita ko ang ngiti sa kanyang mga labi

Habang nakapatong ang kanyang braso sa iyong balikat

Masasabi kong masaya siya

Nakita ko noong panahong magkasama kayo

Nakita ko ang galak sa kanyang mga tawa

Habang nagkukwentuhan kayo

Masasabi kong naaaliw siya

Nakita ko siya habang binabasa ang text mo

Nakita ko ang kislap sa kanyang mga mata

Habang iniintindi ang bawat salitang iyong ipinadala

Masasabi kong natutuwa sya

Wag kang manghinayang

Sa panahong inilaan mo para sa kanya

Pagkat ginusto ka naman talaga niya

Ginusto nya na makasama ka

Ginusto nya ang bawat usapan ninyong dalawa

Ginusto nya na mahawakan ang iyong mga kamay

Ang balutin ka sa kanyang mga bisig

Ang idampi ang kanyang labi sa iyong noo, pisngi, at labi

Ginusto nya na manuod ng sine kasama ka

Ang maglakad sa mall at tingnan ang bawat bagay na pwedeng bilhin

Ginusto nya na kumain kaharap ka

Katabi ka

Ang lasapin ang sarap ng bawat butil ng kanin

Na pinasarap pa lalo kapag sinasabayan ito ng inyong malaman na kwentuhan

Ginusto nya na makilala ang pamilya mo

Ang alamin kung saan nga ba nagmula ang baliw na lagi niyang kasama

Ang baliw na dahilan ng kanyang ngiti

Ginusto ka nya

Kaya wag kang manghinayang

Dahil diba, 

Minahal mo naman ang bawat sandali na kasama siya

Minahal mo ang bawat sulok ng kanyang pagkatao

Tinanggap ang bawat kakulangan at kamalian

Kasabay ng kabutihan ng kanyang puso

Gayundin,

Ang pagmamahal sa bawat ideyang pumapasok sa kanyang isipan

Maganda man o hindi

Pagkat tanggap mo na iyon siya

Isama pa,

Ang pagmamahal sa bawat parte ng kanyang pagkatao

Katawan

Handang yakapin at halikan kahit ang hindi kanais nais na parte nito

Minahal ang bawat minutong inilakad nyo sa mall habang tinitingnan ang bawat bagay na pinapangarap mong bilhin para sa inyong dalawa

Minahal ang bawat pagsubo ng kanin habang nakatingin sa kanyang mga mata

Nilalasap ang saya sa bawat niyang kwento

Pagkat alam mo na mas lalalim ang pagkakakilala mo sa kanya sa gayong paraan

At

Minahal mo ang kanyang pamilya

Makilala mo man silang may lahi ng baliw

Pagkat tanggap mo na doon nagmula itong taong minamahal mo ng lubos

Pagkat tanggap mo na sila’y parte niya

Inalis ang takot

Ng mga baka

Pagkat ang nais harapin ay siya

At ang mga sandaling nandyan ka

Sa tabi niya

Sinuong ang napakaliit na butas ng karayom

Na sing-talim ng bawat panghuhusgang ibinabato sa iyo ng mga taong ayaw sa inyong pagsasama

Minahal mo naman siya

Kaya manghinayang ka

Pagkat alamin mo ang pagkakaiba ng gusto ka sa mahal ka

Pagkat ang pagmamahal ay hindi nabubulag sa bawat pagsingkit ng mata dulot ng saya at pagtawa

Bagkus

Ito ay lalong dumidilat

Upang makita ang katotohanan

Ngunit patuloy pa ding ngumingiti, tumatawa

Dahil may pagtanggap

Na

Sa kabila ng lahat

Mahal mo pa din sya

Julie Anne Lumongsod
Latest posts by Julie Anne Lumongsod (see all)

Julie Anne Lumongsod

I write based on experience. If you have read my poems then you have seen me naked.