fbpx

Closed, Tearful Eyes


Nananatili akong nakakapit sa kaunting siwang na maaaring maging daan upang makapasok ako sa iyong puso at madama ko ang pag-ibig na laging inaasam. 

Ibinibigay, ibinubuhos ang buo kong lakas pagkat nais na manatili lamang sa piling mo. 

Pinipilit kong may madama sa kapirasong punit ng emosyon mo at dito ako’y nagpapakahibang kunwari’y lunod na lunod ako sa pagmamahal na iyong iniaalay. 

Ngunit ang totoo’y lunod na lunod na ako sa mga luhang dulot ng gabi gabi, minu-minuto kong pag-iyak, pagbulong ng pagmamakaawa na sana’y hayaan kang manatili sa piling ko. 

Lunod na lunod na ako sa mga hinaing ng puso at utak kong nagtatanong kung bakit hindi mo kaya na malaman ng mundo kung anong meron tayo. 

Ako’y nakakulong sa mundong tayo lamang ang nakakaalam. Ang sikip masyado.

Nais kong ipakita ang pakpak ko sa mundo mo, tulad ng paano ko hinayaang makita ng mundo ko ang buo mong pagkatao. 

Ngunit para akong isang buwan na mas mabuti na lamang magtago sa dilim at doon makita ang ningning.

Kahit minsan, maaari mo ba akong papasukin sa mundo mo na nais ko din tuklasin

Bago sana maubos ang lakas ko, malaman ko muna ang bawat sulok ng pagkatao mo. Higit pa sa kung ano lang ang pwede kong makita.

Wag kang mag-alala

Di na din ako magtatagal

Pagkat

Malapit na akong maubos

Unti-unti na akong nanghihina

Malapit na akong bumitaw

Masyado ng nakakangalay ang paghawak kung wala namang aalalay

Unti unti na akong napapagod

 

Ang hirap mo palang mahalin

Julie Anne Lumongsod
Latest posts by Julie Anne Lumongsod (see all)

Julie Anne Lumongsod

I write based on experience. If you have read my poems then you have seen me naked.