Magkasama ngunit may pagitan
Magkatabi ngunit di magkarinigan
Nagmamahalan ngunit di magkatagpuan.
Sa isang maliit na kwarto, mayroong dalawang tao
dalawa, tatlo, apat? basta’t magkakasama sila.
Sa loob ng kwartong iyon ay may isang malaking tabla,
tabla na humahati sa pagsasama nila.
Di-pagkakaunawaan, masasakit na salitaan, nangungunang emosyon.
Emosyon na di mapigilan, emosyong nakakasakit,
emosyong nakakainis, emosyong nakakasakal.
Bunga nito ay ang tabla na patuloy na naghahati sa pagmamahal na mayroon ang bawat isa.
May maliit namang pintuan na nagsislbing lusutan.
Lusutan para magkatagpo sila.
Ganoon ang pamumuhay at pagsasama nila.
Sa masikip na lusutan na lamang pilit na nagkikita.
Ganoon kaya pag mahal mo? kahit may malaking pagitan sa inyo,
Susubukin mo pa ding pasukin kahit ang pinakamaliit na pagkakataon
para lang magtagpo kayo?
Ganoon kaya pag mahal mo? na kahit masakit para sa inyong dalawa, pipilitin niyong magkita sa makipot na daan kaysa tanggalin ang tabla na nakaharang sa inyo?
Dahil ba mas mahirap tanggalin ang isang malaking dibisyon sa isang relasyon kaya okay ng magtiis sa isang masikip at makipot na daan basta’t alam mong makakapasok ka pa din sa buhay ng minamahal mo?