fbpx

Tanong at Sagot


Sayo ba’y ganun siya kahalaga?

Mahal mo ba siya?

 

Takot akong mawala ka,

Ngunit haharapin ang pangamba,

Susundin ang iyong ikakasaya.

 

Sana’y mayroong pagpipilian,

Ipagdamot ka at hindi na bitiwan,

Kung ako lang ang masusunod, ika’y pipigilan.

 

Bakit humantong sa ganito?

Hindi ba masaya naman tayo?

 

Masaya sa paningin ko,

May tinatago na palang sikreto,

Kung sana’y napunuan, mga pagkukulang ko.

 

Gulong-gulo, litong-lito,

Sana umayon ang sagot mo,

Sagot na ipinagdarasal lumabas sa bibig mo.

 

Bakit kailangan akong iwan?

Bakit? Para saan? Paano naman akong nasasaktan?

 

Mga tanong na nabanggit sa isip,

Kasabay ng iyong pag sambit,

Katotohanan na sana’y panaginip.

 

Dibdib kong naninikip,

Paghinga kong numinipis,

Sa pag dilat ng mga mata’y, ika’y tuluyan nang umalis.

 

Pwede bang umasa?

Pwede bang bumalik ka?

 

Sagot sa mga tanong ay alam ko naman na.

Ang mahirapan ay parte sangayon ng bawat pag gising sa umaga.

Sana matapos na, mapalitan ng mga magagandang ala-ala.

Artist of 1995
Latest posts by Artist of 1995 (see all)