May ibabahagi akong kwento.
Ang istorya ng pag-iwan sa akin sa ere ng totga ko.
Una ko siyang makilala, bagong lipat sa eskwelahan at totoy na totoy ang itsura. Hindi pa uso ang gatsby at pabaliktad na suot ng cap ang trip ng nakararami. Hindi ko sya gaanong napapansin kahit kami lagi ang pinagpapares tuwing may programa sa paaralan, pagkanta ang una naming ginawa ng magkasama sa harap ng madla, kabado, maraming tao, mikropono at siya lang ang nakikita ko sa mga oras na iyon. Makalipas ang isang taon, nagsimulang magbago ang mundo ko, araw-araw naging makulay dahil sa taong to. Sabihin nating puppy love noong panahong iyon ngunit di ko akalaing tatagal pala ng anim na taon ang magulong kwentong ito.
Nakasama kang maglakad sa gabing malakas ang buhos ng ulan. Na-angkas mo sa bisikletang sa katotohana’y masakit upuan. Kasabay mong nangarap sa ilalim ng kalangitan, at yung tipong lugaw at tokneneng para sa almusal ang parehas na nakagawian.
Kay sarap balikan ng mga ala-alang iyon, ang akalang panaginip ay di na nabura sa isip. Gabi-gabing inaalala kung bakit, kung bakit sa anim na taon, pangalan mo ang nakaukit.
Minsa’y gusto na lang pumikit upang makalimutan ng panandalian ang sakit, nais na lamang ipatangay sa ihip upang kailanma’y hindi na masilip.
Kung gaano karami ang magagandang ala-ala, siya ding dami ng kirot at sugat na natamasa. Hindi na mabilang ang balde ng luhang tumapon, tila bangungot ang nangyari nang kahapon. Sa anim na taon puro tanong ang sumagot sa aking mga katanungan, isip ko’y makalat, nararamdaman ko’y walang kahahantungan. Mali bang ipaglaban ang kagustuhan ng pusong sumaya? Kung sakaling ako’y may karapatan na angkinin ka, sakin kaya’y sasaya ka?
Sana noon pa lamang sinagot mo na ang tanging tanong ko. “May pag-asa bang maging tayo?” Ayaw man kitang husgahan ngunit tila ikaw ang dahilan, kung bakit nasira ang tiwala na sayo lang nilaan, akala ko’y mas matibay tayo sa bato, tinago ko pa ang ating mga litrato, gustuhin ko mang huminto, ilang beses sinuyo ang pusong huwag sumuko, ngunit nang makita kong hawak na pala niya ang ‘yong puso, Mahal, hanggang dito na lang ang kaya ko.
Ang palayain ang puso kong napagod, sumabay na lang sa agos at limutin ang kahapong bangungot. Kung siya talaga ang nagpapaligaya sa’yo, ako na ang kusang lalayo. Kung hindi talaga ako, sapat na sa aking tanawin ka na lamang sa malayo.
Oo, pinagsisisihan kong minahal kita, nagsisisi akong inamin ko pa sa’yo ang nadarama. Nanghihinayang ako na sa’yo unang sinabi ang salitang “Mahal Kita” kaya’t bakit mo ko pinaniwalang mahal mo din ako, di’ba?
Kaya’t sa huling pagkakataon, sasabihin kong walang kapantay ang naging pagmamahal ko para sa’yo ngunit hanggang salita na lamang ito dahil mabago man ang ating nakaraan, hindi ko na nanaising ikaw pa’y balikan.
Natuldukan na ang damdaming dumaan.
Hindi ka para sa akin.
Hindi ako para sa’yo.
Hindi ang isa’t-isa ang tamang tao para sa isa’t-isa.
Sa iba sasaya ang puso nating hindi pinagisa.
- The One That Ghost Away - July 5, 2020
- HINDI LAHAT - June 30, 2020
- ISYU NG LIPUNAN - June 17, 2020