Ang sanaysay na ito ay tungkol sa Kasarian at Identidad
(Credits sa aking pinsan na nagsaad din ng kanyang opinyon tungkol sa isyung ito ng lipunan)
Ang Hindi Napapansin Noon ay Isyu na sa Lipunan Ngayon
Pagkakapantay-pantay, kasarian, sekswalidad, at pagkakakilanlan. Ang lahat ng ito’y nakabatay sa iyong kaisipan. Ito ay isa sa mga usapin na hindi lahat ay mulat. Ang isyu tungkol sa pagkakapantay-pantay, kasarian, sekswalidad, at pagkakakilanlan sa makabagong mundo.
Base sa aking karanasan, maraming kabataan na ang hayagan sa pagpapakita ng kanilang sexuality at inihahanay ang kanilang sarili sa LGBTQ Community. Ngunit, ang nakakalungkot lamang ay hindi lahat ng tao ay mulat na o nakikiayon sa mga ganitong klaseng pagbabago. May mga tao na nananatili pa rin sa tradisyonal na paniniwala- na dapat ay umayon ka sa iyong pisikal na kaanyuan. Dahilan dito, umaani ng mga panghuhusga at pangbabatikos ang mga taong ang tanging ginawa lamang ay maging “sila.” Ito ang rason kung bakit ang isyu ng sekswalidad ay isa sa mga walang katapusang usap, dahil walang tama o mali sa opinyon ng bawat isa! Ang ikaw ay ikaw, ang ako ay ako, ang sila ay sila, ang tayo ay tayo. Kanya-kanya tayo ng pananaw ukol sa isyung ito. May mga pag-aaral na kahit noon pa man ay bukas na ang isipan tungkol dito ng mga tao sa ibang bansa. Kasanayan lamang ang naging daan kung kaya’t hindi na umingay pa ang paksang ito. Sa pagtungtong nito sa ating bansa at sa mabilisang paglaganap, tila mga Pilipino lamang ang hanggang ngayon ay hindi makausad. Patuloy ang pagsira ng iba sa damdamin ng mga miyembro ng LGBTQ Community, pagbubunyag ng mga di-matatawarang litrato at salita, at pagtutok sa kapintasang maaring mapuna.
Ang ipinapadama ng lipunang pinagmulan ay tila diskriminasyon mula ulo hanggang paa. May masasandalan ka ba? Sino ba ang tunay na kakampi, sa modernong panahon na binabalot na ng makitid na pag-iisip? Mali ba ang maging iba? Body shaming, gender classification, gender equality, status, racism, disability, popularity, cultural differences, uneducated, ay mga ilan lamang sa naririnig at pinaparinig sa atin ng lipunan. Ano man ang iyong kasarian, hindi masama na ito’y isiwalat at hindi dapat ikahiya sapagkat iyan ang totoo sa iyo. Marahil hindi nakaka-ugnay ang karamihan sa ganiyang sitwasyon ang mahalaga’y mabuti ang ibinabalik mo sa iyong kapwa. Ang pagpapakatotoo ay pagiging matapang, kung magpapakulong ka sa masasakit nilang panghuhusga, hindi mo makakamit ang tunay na aral ng buhay.
Pagkakapantay-pantay, ito ay isa sa pangunahing pinaglalaban ng bawat isa. Ang batas na mananatiling isang kwestiyon kung meron nga ba o wala? Tulad na kung sa paanong ang mga mamamayan ay naghahanap ng equality sa pagtrato ng batas sa mahirap, may-kaya, at mayaman, ay ganoon din ang pag-aasam ng pantay na pagtrato sa kababaihan at kalalakihan. Tunay na maraming pagkakaiba ang dalawa. Una na lamang ay ang pisikal na pangangatawan- kung susuriinn ay mas may kapasidad ang lalaki na gumawa ng mga mabibigat na gawain kung kaya’t naatasan na maging padre de pamilya. Di naiiba sa kung paanong ang mga babae ay inaasahan na maging tagapag-alaga ng kabahayan at maging Ilaw ng tahanan. Ngunit sa paglaon ng panahon, at pagbabago ng pangangailangan ng mundo, di maiiwasan na pati ang mga nakasanayan ay magbago.
Sa modernong mundo, di na bihira ang mga babaeng tumatayo bilang padre de pamilya at ilaw ng tahanan, ganoon din naman ang mga kalalakihan. Sa globalisadong lipunan, hindi maikakaila na ang mga nakalulungkot na pagbabago ay unti-unti ng natatanggap ng karamihan. Halimbawa na lamang ang pagbubuntis ng maaga, pakikipaghiwalay sa asawa, pagasa sa mga magulang, pagiging lulong sa masamang bisyo at pagiging palamunin sa bahay. Mga sitwasyong ayaw natin maranasan ngunit wala tayong ibang opsyon kundi tanggapin ang inilaan sa ating buhay. Kawangis ng mga hayop na nais ding bigyang aruga ng mga tao, ganoon din ang mga kabataan sa kanilang mga magulang. Mga kabataan ang protagonista sa makabagong lipunan. Marahil maraming hindi dapat tularan subalit mas kinakailangan nila ng gabay. Ano mang karanasan ang iyong naranasan mapa-pisikal man na kaanyuan, itsura ng mukha, kakulangan sa pag-iisip, mababaw na estado sa buhay, panlalait at pananakit mula sa ibang tao at sa iyong pamilya, lahat ng ito’y lilipas rin. Maaaring maulit ang pangyayari noon sa kasalukuyan at pangyayari sa kasalukuyan sa kinabukasan ngunit ang aral na dapat tumimo sa ating mga isipan ay, Malaya kang maging ikaw. Ang iyong sarili ang magdidikta ng iyong kapalaran, pabigat man ang tingin mo sa mga pagsubok na ibinabato sa iyo, hindi ka dapat nagpapatalo. Hindi ka man mahusay sa ganitong bagay o sa ganitong larangan, tiyak na may natatangi ka namang talento sa ibang bagay. Hindi napapansin noon ang kaibahan sa iyo, ngunit sa pagsama sa paglalakbay tungo sa modernisadong lipunan, ang kaibaha’y ginawang kamalian ng mga tao, purong panghuhusga na lamang ang lumalabas sa bibig ng mga ito. Kaya’t tanggapin mo muna ang iyong sarili, ang iyong kapalaran at ang iyong kapintasan, kapag ito’y nagawa mo, mag-iiba rin ang tingin sa iyo ng nakararami. Tingnan ka man ulo hanggang paa, hindi ka na nila makukutya kung kakaiba ka.
- The One That Ghost Away - July 5, 2020
- HINDI LAHAT - June 30, 2020
- ISYU NG LIPUNAN - June 17, 2020