Panitikan ang pamana sa bansa ng ating mga ninuno. Ang karunungang ito ay kanilang ipinamana upang ating mabatid ang naganap sa ating kasaysayan, upang mapanatili at malinang ang ugat ng pagkakakilanlan ng lahing Pilipino. Kanila itong sinalba nang sa gayo’y maipagmalaki at maisabuhay ng mga susunod na henerasyon ang nilalaman nito. Nais nilang ibukas ang mga mata ng mga tao sa buong mundo kung ano ang pinagdaanan nila sa kamay ng mga dayuhan at tunay ngang kabataan ang magiging pag-asa sa pagsiwalat nito. Ano nga ba ang naging takbo ng Panitikan ng Pilipinas? Tayo bang mga kabataan ay may alam tungkol sa pinagdaanan ng ating panitikan? Paano nga ba tayo nakalayas, nakalayag at nakalaya mula sa kamay ng mga dayuhang sumakop ng ating bansa?
Upang malaman natin ang hinaharap, kailangang buksan natin ang pinto ng kahapon. Ang Pilipinas ay napasakop sa mga dayuhan kung saan mga Kastila ang unang naghari-harian. Nakalimutan ang mga katutubong tradisyon, kultura at paniniwala dahil dito. Ayon sa mga mananaliksik, humanga ang mga Pilipino sa anumang bagay na banyaga sapagkat kung tayo’y magpapakatotoo ay daig talaga nila ang Pilipinas saan mang sulok tignan ngunit nagsimula ang himagsikan ng nagapi ng mga dayuhan ang kanilang puso at diwa. Sa pagtungtong ng mga Kastila sa ating lupain, una nilang ginamit ang relihiyong Kristiyanismo upang mapasunod ang mga mamamayang Pilipino. Tinuring nilang parang hayop ang mga ito, inalisan ng kaisipan at damdamin at ginawang nilang kanilang alipin. Sa kanilang kasanayan sa kanilang bansa, inobliga nila ang mga Pilipino na sila’y pagsilbihan kahit pa labag sa kanilang mga kalooban. Hindi naging pantay ang pagtrato nila sa mga Pilipino na kung ating babalikan ay malamang puro hiyaw at taghoy ang ating maririnig. Sa tatlong daang taong paglaganap ng impluwensya ng mga Español sa panitikang Pilipino, ang karamihang sumulat ng mga akda ay mga prayleng Kastila. Ang naging paksa ng panitikan sa panahong ito ay pawang pagtuligsa sa pamahalaan at simbahan gayundin lumaganap ang iba’t ibang uri ng panitikan sa panahong ito kagaya ng: pasyon, awit, korido, moro-moro, senakulo, sarswela, dalit, dung-aw, tibag, karagatan, duplo, karilyo, nobena at mga akdang panrelihiyon. Karamihan sa mga ito ay ating itinatanghal at isinasagawa sa makabagong panahon. Dahil sa hindi matatawarang pagmamalupit at pagpapakasakit ng mga Kastila, nabuo ang mapanlabang puso ng mga Pilipino. Dito nagsimula ang pagsasagawa nila ng mga plano upang tuligsain ang mga Kastila, ito’y pinangunahan ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose P. Rizal kasama sina Marcelo H. Del Pilar, at Graciano Lopez Jaena. Sa kasawiang palad ay nabigo sila sa kanilang propaganda kaya’t si Andres Bonifacio ay nagtatag ng “La Liga Filipina” at “KKK.”
Nakalayas din ang mga Pilipino sa kalupitan ng mga Kastila, ngunit sila’y hindi naging tuwirang malaya sapagkat sinundan ng mga Amerikano ang pagsakop sa Pilipinas. Sinasabing hindi sila naging kasing-lupit ng dating mga hari-harian at binigyan ng kalayaan ang mga Pilipinong sumulat ng sarili nilang mga akda ngunit hindi nila mapapatawad kung may masasamang salitang babanggitin laban sa kanila. Ngayon ay aking napagtanto kung bakit sa panahong ito ay bulag ang mga Pilipino sa pagiging makasarili ng mga Amerikano na tila mas nasusuportahan ang mga gawang Amerika kaysa sa lokal. Sa aking pananaw, hindi naging malupit ang mga Amerikano sapagkat nais nilang bilugin ang utak ng mga Pilipino kaya’t pinapakitaan nila ang mga ito ng kabutihan na ang totoo ay may masama silang motibo. Kung sa karapatang moral ang pag-uusapan, walang puso ang mga dayuhang ito sa pagpapakita ng dalawang katangian. Parehas lamang sila na hindi makatao ang mga mithiin at pawang kasinungalingan ang itinatanim sa isip ng mga Pilipino. Ang umusbong na mga uri ng panitikan sa panahong ito ay: tula, maikling kwento, nobela, dula, sanaysay, lathalain, pamamahayagan at iba pa. Nasyonalismo at pag-ibig sa bayan ang naging pangunahing paksa sa panahong ito. Dito rin umusbong ang tinatawag na “Panahon ng Ilaw” kung saan ito’y panahon ng pagpapalaganap at popularisasyon, nakilala rito ang magasing Liwayway at mga kawili-wiling akda tungkol sa romansa o pag-ibig na tunay ngang naging tanyag. Nagtapos ang Panahon ng Ilaw noong 1932. Dumami at lumawak ang samahan ng panitikan sa panahong ito at marami rin ang mga lumitaw na akda. Sa unang taon nila, doon nagsimula ang matatawag na tunay na dula kaya’t nakilala si Mr. Severino Reyes na tinaguriang “Ama ng Dulang Tagalog.” Siya ang nagtatag ng pinakamalaking samahang nagtatanghal ng mga sarsuwela noong panahong iyon.
Ang sumunod na dumating ay ang mga Hapon, sila ang may hangaring magingpinaka-makapangyarihan sa buong Asya. Sa kanilang pagdating, ang naging paksa ng panitikan ay pumapatungkol sa lalawigan. May mga manunulat na nahirapang makalikha ng akda sapagkat Tagalog-Ingles ang nakasanayang gawin buti na lamang ay may nagmalasakit na pinunong Hapones na nagngangalang Knichi Isikawa kung saan siya ay tumulong sa pagpapaunlad ng panitikan at kulturang Pilipino. Kilala natin ang mga Hapones bilang mahilig sa katatawanan at magpaglilibangan kaya’t naging buhay ang dula noong panahong iyon sapagkat ninanais nila ng mapagkakawilihan at mapaglilibangan. Matapos ng taong 1945 ay sumigla ang panitikan natin, nagkaroon ng motibasyon ang mga manunulat ng bansa sapagkat sila’y nakatatanggap na ng mga parangal at pagkilala. Nauso sa mga paaralan ang mga patimpalak tungkol sa pagsulat ng mga tula, sanaysay at kwento gayundin ay may sariling pahayagan ang mga paaralan. Maraming pinagdaanan ang mga Pilipino kabilang na rito ang Batas-Militar at Rebolusyon sa Edsa. Bagamat naging bangungot ang mga pangyayari dahil sa kanilang karanasan, naging inspirasyon din nila ito upang tuloy-tuloy na lumikha ng mga akda.
Samakatuwid, ang pagdating ng mga Kastila ang nag-hudyat sa mga Pilipino na makalaya, sa pagdating ng mga Amerikano, sila ay nakalayas mula sa mga Kastila. Sa Pagdating ng Hapon, sila ay nakapaglayag at sa pag-alis ng mga ito, iyon ang naging tunay na paglaya o kalayaan ng Panitikang Pilipino. Ito ang panahon kung saan wala ng kumokontrol, nagbabawal, nananakot at nagiging pangamba sa mga Pilipino. Iyon ang kanilang naging tunay na paglaya sa puso at diwa sapagkat walang sinuman ang nanaisin na mapasailalim sa mga taong hindi pinapahalagahan ang kanilang pagkakakilanlan at puro pansarili lamang ang inaatupag at nais makamtan.
Ang katha ng mga tanyag na manunulat ay tiyak na kapupulutan ng aral. Marami tayong pagpipilian sapagkat lahat ng paksa ay kanilang naitalakay mabuti man o masama. Ang mga masama nilang karanasan ay nagawa nilang mabuti simula ng inilimbag nito. Karamihan man sa atin ay hindi napapahalagahan ang kanilang mga katha, ito ang kanilang naging daan ng paghilom at gamot upang makatalon sa madilim nilang bangungot at upang mailabas ang matagal na nilang kinikimkim.
Lubos kong tinitingala at sinasaludo ang mga manunulat na nagbigay buhay sa ating Panitikan. Isipin na lamang natin, kung wala sila at ang kanilang mga karanasan, gaano magiging makahulugan ang panitikan at kung ano ang magiging pamantayan ng isang mahusay na akda. Sa pangkasalukuyan o modernong panahon ngayon, nakatutuwa na buhay pa din ang mga katutubong tula, kasabihan, kwento, nobela at iba pa. Hindi lamang tagalog ang kapupulutan ng aral maging ang mga gawang Ilokano, Kapampangan, Bikolano, Muslim, Kalinga at marami pang iba. Higit nilang pinalawak at pinakulay ang kahusayan ng mga Pilipino na ang talentong kagaya ng pagsulat ay pangkalawakan at hindi lamang pambansa.
Sa ating globalisadong lipunan at modernisadong pamumuhay, maraming tradisyunal na gawain ang pakupas na at makabagong gawain na palitaw. Samakatuwid, kinakailangan nating umakma at makisabay sa sitwasyon at panahon upang hindi mapag-iwanan ng kabihasnan. Sa anong paraan ba ito nababago? Halimbawa na lamang sa pagtuturo ng Panitikan, hindi na nababagay ang tradisyunal na pamamaraan ng pagtuturo. Ano man ang iyong edad, hindi ka dapat mapag-iwanan ng daluyong ng panahon sapagkat ang mga makikinig sa iyo ay hindi mo kaparis, iba na ang hulma ng pag-iisip gayundin ng pananaw sa maraming bagay. Hindi na naaangkop ang pagtuturo lamang, mas makakakuha ka ng atensyon kung ikaw ay gagamit ng mga modernong kagamitan at teknolohiya. Sa pagtatanghal naman, marami nang ideya ang papasok sa isip ng mga namumuno katulad na lang ng pagdadagdag ng props, paggamit ng modernong mga salita at paggamit ng mga umuusong kagamitan na makakatulong sa pagpapaganda ng tanghalan. Sa kabilang banda, kaakibat nito ang mga Panitikang Popular kagaya na lamang ng pagsulat ng tula na may malayang taludturan, spoken poetry o tulaang pasalita , haiku o tanaga, at micro fiction o maikling maikling kwento. Kung ating mapapansin ay mas napadali ang batayan sa pagsulat ng tula at kwento marahil dahil sa mga inosenteng kaisipan ang higit na nakararami sa ating populasyon kung kaya’t nagiging mababa ang pamantayan sa paggawa ng mahusay na akda. Ngunit, sa kabilang banda, nakatutuwang isipin na kahit ang mga batang-bata na halimbawa na lamang ay nasa elementarya, ay nahihikayat na gumawa ng mga sulatin. Kaya’t may maganda rin naman itong nadudulot dahil sa akin din naming paniniwala, mas marami ang magagawa kung naiintindihan ng karamihan ang gawain.
Ang makabagong panahon natin ngayon ay ipinababatid na gamitin natin ang mga kadalian na ibinibigay nito upang maghatid ng magagandang mensahe sa kapwa mapa-personal o post sa social media. Makikiuso man tayo ngunit huwag natin hayaang mawala ang dugong Pilipino na hindi madaling magpalinlang sa mga fake news at mararahas na komento sa social media. Maging mabuti tayong ihemplo para sa mga susunod na henerasyon. Makabago man ang kanilang kinalakihan at nasaksikhan, ipamana pa rin natin ang totoong pinagmulan at naging ugat ng Panitikang Pilipino at pagkakakilanlan.
- The One That Ghost Away - July 5, 2020
- HINDI LAHAT - June 30, 2020
- ISYU NG LIPUNAN - June 17, 2020