Madalas kitang isinusulat.
Mali! Lagi pa rin kitang isinusulat.
Batid kong tayo ay tapos na
At ang dating tayo ay wala na
Ngunit bakit sa tuwing nakikita kita
Ikaw pa rin ang laman ng bawat talata.
Kailan ba nagiging sapat ang ‘tama na’?
Kung ang binsol ba mula sa aking pluma ay ubos na?
Kung ang espasyo ba sa papel na sinusulatan ay kulang na?
Kung ang mga pangungusap ba sa aking mga tula ay kupas at gasgas na?
Kapag ba ang mapapalabok na mga salita ay hindi na masarap?
O kapag wala nang salitang mapipiga pa sa utak para isulat?
Pilit kong ipinipikit ang aking mga mata,
Subalit sa pagdilat ay ikaw pa rin ang gustong makita.
Pinipilit kong isara ang aking isipan,
Ngunit ang puso ko’y ikaw naman ang nilalaman.
At pilitin ko mang takpan ang aking bibig,
Pangalan mo pa rin ang aking sinasambit.
Tama na, sobra na, masakit na.
Ang tula’y humahaba na.
Pero bakit hindi pa rin nadadala?
Siguro kasi lagi kitang naaalala
Kaya ikaw pa rin ang binabanggit sa bawat taludtod,
Ang isinisigaw ng puso’t isipan hanggang sa puntod.
Sa bawat pahina’y nakaukit ang pangalan mo.
Paano naman ako, paano naman ang ‘tayo’?
Sapat na ba talaga ang ‘tama na’
Para ang pag-ibig mo saki’y magwakas na?
Hahayaan mo nalang ba akong lumipad mag-isa
Habang ikaw ay masayang lumilipad kasama ang iba?
May mga laban na dapat ipinaglalaban
Pero hindi sapat na ikaw lang mag-isa ang lumalaban
“Tama na nga, tama na kasi, tama na!
Tang*na, nagiging tanga ka na!”
Kapag ang tulang to ay tinuldukan ko na,
Siguro, magiging sapat na ang ‘tama na’.
- Sapat na ba talaga ang “TAMA NA”? - April 19, 2020