Babalik ka pa ba?
Katanungang paulit-ulit na tumatakbo sa aking isipan.
Tila ba hindi na matigil at para bang nakakapagod na kung patuloy na lalapatan ng mga kasagutan.
Nais kong ihayag sa lahat ang kwento sa kabila ng katanungang ito, sa paraang kaya at gusto ko.
Sa paraang iiyak ang panulat na gamit ko at mapupunit ang papel na hawak ko.
Simulan natin sa mga panahong kay saya pa ng lahat.
Yung mga panahong puro halakhak at galak ang tumitimok sa aking puso,
Yung mga panahong totoo pa ako sa lahat,
Yung mga panahong nariyan ka pa, handa akong damayan,
Yung mga panahong niyakap mo ako at sinabi mong ‘Mahal na mahal kita.’
Subalit, ngunit, bagkus, datapuwa’t.
Tila ba nag iba ang ihip ng hangin,
Na kung dati’y kay saya ng lahat,
Ngayon, umikot ang gulong ng buhay at ako’y nasa ilalim at nabubuhay sa pag iisa, dilim at kalungkutan.
“Bakit?” Paulit-ulit na tanong.
Tanong na galing sa aking puso at isipan.
Walang makasagot,
Kahit pa ako.
Ano ang puno at dulo ng lahat ng ito?
Sino ang nagbago?
Ikaw ba? O ako? O tayo?
Nasira ang pangako mo.
Nawala ang mga salita mo.
Naligaw ako at dumaan sa landas na gusto ko.
Hindi ko plinano pero kusang naganap ang mga ‘to.
Hanggang isang gabi,
Habang tumatangis ang langit,
Kasabay ng malalakas na pagkulog at maliliwanag na pagkidlat.
Nawalan ng kuryente.
Dilim, ang namayani sa aking paligid.
Ngunit may namasdan akong liwanag.
At may narinig akong tinig na nagsabing…”Sa gitna ng kadiliman, liwanag ang aking ibibigay.”
Nagsitindigan ang aking mga balahibo.
Natakot at kinabahan.
“Bumalik ka na,” ang sabi pa ng isang munting tinig sa aking isipan.
At naalala kong ikaw pala ang ilaw ng sanlibutan.
Ikaw pala ang kaliwanagan sa bawat kadiliman.
Ang depresyong nararanasan ko ay tila ba napalitan ng pag asa.
Pag asang kaya ko pa palang bumangon,
Bumalik,
Maglingkod,
Oo, sa iyo
Pakiramdam ko tuloy ay umikot muli ang gulong ng buhay at ako ngayo’y nasa itaas na.
Na parang ang dating panahon ay nagbalik na.
Na parang ang dating sigla at lakas ay nabuhayan pa.
Abot-abot ang tahip ng aking puso.
Puno ng tuwa, galak at pinagsama samang pag asa na bukas o sa susunod ay may magbabalik na.
Tumigil na ang pagtangis ng kalangitan.
At napagtanto ng mura kong isip,
Na hindi pala ikaw,
Kundi ako,
Ang nagkulang,
Ang nagbago,
Ang naligaw,
Ang sumira ng pangako,
Ang walang isang salita.
Sumikat ang pag asa,
Nagtindig ang liwanag.
At oo, handa na akong magbigay ng kasagutan sa tanong na ‘babalik ka pa ba?’
Babalik pa ba ako?
‘Oo’, ang namutawing salita sa aking bibig.
Babalik ako, hindi dahil inutos ito sa akin.
Babalik ako dahil nahanap ko ang halaga ko,
Ang tunay na depinisyon ng kasiyahan,
Ang tunay at walang katulad na pag ibig, sa iyo.
Babalik ako dahil niyakap mo ako sa aking karumihan.
Babalik ako dahil pinulot mo ako nang akala kong ako ay nag iisa.
Ito ang kwento sa kabila ng katanungang ito.
Ito ang kwento sa kabila ng tulang ito na pinamagatang “Babalik ka pa ba?”
- Pagdanak ng Huling Tinta - April 18, 2020
- Tagpo sa Kawalan - April 18, 2020
- Paalam - April 18, 2020