fbpx

“Kasal”


✍️ Marcie

 

2 years ago,

Nakilala ko yung lalaking nagpabago sa buhay ko,

Yung lalaking nagbigay kulay sa madilim na mundo ko,

Yung nagparamdam sakin na kamahal-mahal ako.

 

Sa bawat araw na dumadaan,

Iba’t ibang surpresa ang kanyang pinaghahandaan,

Sa bawat segundo’y dama ang pagmamahalan,

Pagkat ang buong oras sa isa’t isa’y inilalaan.

 

Makikita sa aming mga mata ang walang humpay na saya,

Mga ngiti sa labi na hindi mawala-wala,

Mahigpit na pagkakahawak sa kamay na tila walang kawala,

At paulit-ulit binibigkas ang mga salitang “mahal kita”.

 

Mahal, kung sakaling haharap ako sa dambana,

Nais ko sanang ikaw ang aking makasama,

Suot ang napakagandang trahe de boda,

At sabay tayong mangangakong magsasama sa hirap at ginhawa.

 

Sumapit ang ikalawang taon,

Ika’y lumuhod, nagtanong at naghintay ng tugon,

“Oo”, matutuloy na ang pangarap natin noon,

Magsusuot ka ng barong at tatayo sa harap ng poon.

 

Ang bawat hakbang ay puno ng kaligayahan,

Mga titig mo’y tila wala kang pinagsisisihan,

Isinuot na ang singsing na iyong pinagipunan,

At pagkatapos ay agad mong hinalikan.

 

Kitang kita ko kung gaano mo siya kamahal,

Di ako nagkamaling palayain ka mahal,

Masakit pero baka ito ang plano ng may kapal,

Masaya na ako kahit sa iba ka ikinasal.

Marcie Moratin
Latest posts by Marcie Moratin (see all)