“Tulad ng Apoy”
By: Yitzi
Pagod ka na?
Nakakasawa na ba?
Sa magulong mundo, naiintindihan kita.
Wala man lang kasiguraduhan ang araw ng bukas.
Mga paghihirap mong hindi nagwawakas.
Napapalibutan ka
Ng mga kaibigang… mahal ka nga ba talaga?
Ng pamilyang ikinukumpara ka sa iba.
Ng taong ipinaparamdam sa’yong wala kang kwenta.
Ng mundong tinatanong ang ‘yong halaga.
Alam kong nakakapagod na,
At oo, nakakasawa nga.
Ngunit may pagpipilian ba?
Kung tayo ay bumigay na lang kaya?
Dahil ramdam kong nakakalunod na.
Ngunit sandali lamang,
Ako’y iyong pakinggan
Kung nahihirapan ka,
Kung pakiramdam mo, susuko ka na,
Nakikiusap ako na sana ay huwag muna.
Dahil kami sa iyo ay umaasa
Na ikaw ay lalaban pa.
Tumawag ka, magsabi ka,
Sapagkat sa tabi mo ay nariyan Siya,
Diyos na nakikinig at nagmamahal.
Muling pagliyabin ang pananampalataya,
Apoy ay muling sindihan.
Bumangon muli at loob ay tatagan.
Buksan ang mga mata at muling ipagdiwang,
Tulad ng apoy, ika’y muling magliliwanag.
- Tulad ng Apoy - April 17, 2020
- SCARS - April 16, 2020